Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

kasúy

Flora, trees, nuts, food, snack, Filipino cuisine

Ang kasúy (Anacardium occidentale Linn.) ay isang uri ng punong-kahoy at tawag din sa bunga nitó. Kahugis ng peras ang bunga nitó na kulay naranhang-dilaw kung mahinog. Tumutubò sa labas ng prutas na ito ang buto, na napagkukunan naman ng mga makakaing manî.

Ang punò ng kasúy ay lumalaki ng hanggang 12 m ang taas at may mga baluktot na sanga. Ang dahon ng kasuy ay makinis at pabilog na may 7-12 sm ang lapad. Ang bulaklak ay maliit at kumpol-kumpol sa dulo ng mga sanga. Ang malamang prutas ng kasuy ay ginagawang alak, kendi, at inumin samantalang ang umuusbong na buto nitó ay iniihaw at sakâ kinakain o kung minsan naman ay inilulutong may asukal at ginagawang meryenda. Ang buto ay mayaman sa langis at may kakaibang lasa kayâ ginagamit itong sangkap sa iba’t ibang klaseng lutuin.

Bukod sa napakahalaga ang prutas nitó, pinararami din ang kasúy dahil ang punò nitó ay ginagamit sa paggawa ng mga bangka, malalaking kahon na ginagamit sa mga bapor, at ginagawa ding uling. Nabubuhay ang kasuy sa iba’t ibang parte ng Filipinas lalo na sa mga lugar na matabâ ang lupa at mataas ang halumigmig.

May iba’t ibang tawag sa kasúy sa Filipinas: balogo at sambalduke sa Iloko, balúbad sa Kapampangan at Tagalog, kasul sa Sulu, at kosing sa Igorot. (ACAL)

Cite this article as: kasúy. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kasuy/