kasíli
Philippine Fauna, birds, animal
Ang kasíli (Tagalog) o sili-sili (Sebwano), Anhinga melanogaster, ay isang ibon na laganap sa mga lawa at iba pang tubigang-tabang sa Timog Asia at Timog-Silangang Asia. Kilala ito sa Ingles bilang Oriental darter at Indian darter. May mahabà itong leeg na nababaluktot at parang sibat lalo na sa panghuhúli ng mga isda. Patulis at tuwid naman ang tuka nitó, tulad ng ibong korbehon (cormorant). Karaniwan namang kulay itim ang balahibo nitó sa katawan, may halòng kulay pilak sa ilang bahagi ng pakpak, itim at kayumanggi mula sa leeg hanggang ulo, may pagkadilaw ang mga tuka, at kulay abo ang mga paa.
Kapag nanghuhúli ng isda, inilulubog ng kasili ang katawan nitó sa tu-big at nakikita lamang ang mahaba nitóng leeg, kayâ tinagurian din ito bilang snakebird o ibong -ahas. Biglaan nitóng sinisibat ang isda, ihahagis, sakâ lululunin. Karaniwang nang-ingitlog ng mga tatlo hanggang anim ang mga kasili tuwing tag-ulan. Kumakain ang mga inakay na kasili sa pamamagitan ng pagpasok ng kanilang mga ulo sa lala-munan ng magulang upang dukwangin ang naroong pagkain. Maingay ang mga inakay na kasili lalo na kapag naghahanap ng pagkain. Pagkatapos ng panahon ng pangingitlog, nawawalan ng balahibong ginagamit sa paglipad ang mga tigulang na kasili kayâ nagkaka-roon ng maikling panahong hindi nakalilipad.
Sa kasalukuyan, nanganganib ang mga kasili dahil sa po-lusyon, pagtatápon ng maduduming bagay sa mga tirahan panghuhúli, lalo na dahil sa mga balahibo sa bandang balikat na ginagawang palamuti sa mga sombrero), at pangongolekta sa mga itlog. (MJCT)