Lucresia R. Kasilag
(31 Agosto 1918–16 Agosto 2008)
Itinuturing na “Grand Lady of Philippine Music” si Lucresia R. Kasilag (Luk·rés·ya Ar Ka·sí·lag) dahil sa kaniyang malaking ambag sa paglinang sa musika sa Filipinas. Kilalá rin sa tawag na Tita King, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Musika noong 1989.
Bilang kompositor, nag-eksperimento siya sa musikang isinasanib ang mga katutubong instru- mentong pangmusika sa pagtatanghal ng isang orchestra. Bantog dito ang premyadong “Tocatta for Percussions and Winds,” “Divertissement and Concertante,” at ang mga musika para sa “Filiasiana,” “Misang Filipino” at “De Profundis.” Lumikha siyá ng mahigit 250 komposisyon, mga areglo ng mga katutubong awit, awit sining, mga piyesang pansolo at instrumental, at mga chamber at orchestral na mga akda. Bilang tagapagtaguyod ng musika, binigyan niya ng karampatang pagpapahalaga ang mga artista, kompositor, at manunulat. Hinikayat at ginabayan niya ang mga kabataang talento sa larangan ng musika. Isinagawa niya ang mga ito sa pamamagitan ng pagiging presidente at artistic director ng Sentrong Pangkultura ng Filipinas mula 1969-89, at sa pamamagitan ng mga kilalang organisasyon sa musika.
Ilan sa mga natamo niyang karangalan ang: Presidential Award of Merit as Woman Composer (1956); Republic Cultural Heritage Award para sa kaniyang “Toccata for percussions and winds” (1960) at “Misang Pilipino” (1966); Patnubay ng Sining at Kalinangan Award ng Lungsod Maynila (1954 at 1973).
Isinilang noong 31 Agosto 1918 sa San Fernando, La Union, si Kasilag ay ikatlo sa anim na supling nina Marcial Kasilag Sr., naging direktor ng Bureau of Public Works at dating manager sa National Power Corporation (Napocor), at Asuncion Roces na isang guro ng biyolin at solfeggio. Nagtapos siyáng balediktoryan sa Paco Elementary School at sa Philippine Women’s University (PWU) High School. Sa PWU din siyá nagtapos na cumlaude ng Batsilyer sa Sining sa Ingles. Nakamit niya ang diploma bilang guro sa musika sa St. Scholastica’s College of Music at ng Master of Music noong 1950 sa University of Rochester, New York. (RVR)