Kartilya ng Katipunan

“Kartílya ng Katipúnan” ang popular na tawag sa akda ni Emilio Jacinto na naglatag ng mga batas at prinsipyo ng Katipunan at  nagsilbing  gabay  para  sa  mga  kasapi nitó. May katulad ding akda si Andres Bonifacio na pinamagatan namang “Katungkulang Gagawin ng mga Z.Ll.B.”  ngunit  ipinasiya  niyang  ang  isinulat  ni  Jacinto ang ikabit sa sinusumpaang kasulatan ng magiging kasapi ng Katipunan. Ang orihinal na pamagat ng “Kartilya ng Katpunan” ay “Mga Aral ng Katipunan Ng Mga Anak ng Bayan” at hinahangaan noon ar ngayon dahil sa matalinghaga ngunit eksaktong pormulasyon ng mga tuntunin sa buhay na dapat sundin ng isang Katipunero. Ang unang pangungusap nitó: “Ang kabuhayang hindi ginugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag” ay tila isang kredo hinggil sa paglilingkod sa bayan at sa kapuwa tao.

Mapapansin  sa  “Kartilya  ng  Katipunan”  ang  tuntuning moral at etiko na nais pairalin sa Katipunan bilang tunay na kapatirang Filipino. Idinidiin nitó ang pag-ibig sa kapuwa at pagtutulungan, ang paniniwala sa katwiran, at ang pag-iingat sa dangal at puri bilang tao. Gayunman, taglay din nitó ang pangunahing mga simulaing demokratiko, gaya ng pagkakapantay ng tao anuman ang kulay ng balát, antas ng kabuhayan, at pinag-aralan. Ipinangangaral din nitó ang mataas na pagtingin sa kababaihan at ang mabigat na tungkulin ng lalaki na alagaan ang asawa at anak. Sa dulo, iginiit ang pag-ibig sa kalayaan at ang kahandaan ng kasapi na ihandog ang sarili para sa bayan. Wika nga ni Jacinto, ang “kamahalan ng tao” ay tinitimbang alinsunod sa “magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri” at lalo na”y “di napaaapi’t di nakikiapi,” at “marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.” (KLL)

Cite this article as: Kartilya ng Katipunan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kartilya-ng-katipunan/