karagatán

Geology, ocean, water, Ferdinand Magellan

Ang karagatán ang pinakamalaking lawas ng tubigang maalat sa mundo. Tinatawag itong ocean sa Ingles at mula sa isang sinaunang salitâng Griyego. Tinatayang 72 porsiyento ng rabaw ng planetang Lupa ay tubigang maalat at binubuo ng pangunahing karagatán at maliliit na dágat. Ang limang pangunahing karagatán ng daigdig ay ang Pasipiko, Atlantiko, Indian , Antartiko, at Arktiko . Karaniwang napagpapalit ang gamit ng mga salitâng “karagatán” at “dágat” (sea ), ngunit ang dagat ay maliit at malimit na dumadaloy sa isang karagatán. Tahanan ang karagatán para sa 230,000 kilalá nang species ngunit malaking bahagi pa ng kalaliman nitó ang hindi nagagalugad. Ang pinakamalalim na pook sa karagatan ay ang Mariana Trench, na nasa Karagatang Pasipiko malapit sa mga pulông Mari-anas at may lalim na 10,971 metro.

Isang hanggahan ng Filipinas ang Kara-gatáng Pasipikó. Ito ang pinakamalawak na karagatán sa mundo at may lawak na 165.25 milyong kilometro kuwadrado. Katumbas ng 46 porsiyento ng rabaw ng planetang Lupa. Ang pangalan nitó ay ibininyag ng Portuges na si Hernando Magallanes noong pamunu-an niya ang isang ekspedisyong Español at nagwakas sa pag-ikot sa mundo sa pamamagitan ng paglalakbay-dagat noong 1521. Sinasabing nakaengkuwentro siyá ng magandang simoy pagbungad sa karagatan mula sa Timog America kayâ tinawag niya itong Mar Pacifico (Tahimik na Dagat). Hindi pa niya batid na maglalakbay siyá sa isang higit na malawak na tubigan. Saman-tala, malaking tulong sa pagsakop ng España sa Filipinas ang pagkatuklas ni Fray Andres de Urdaneta noong 1565 sa “biyaheng pabalik” o daan mula sa Filipinas pabalik sa Mexico. (VSA)

Cite this article as: karagatán. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/karagatan/