Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

kapuluán

Geology, island, archipelago, Philippines, Filipinas,

Ang kapuluán ay tawag sa pangkat ng mga pulô o tanikala ng mga pulô. Inimbento ito mula sa salitâng “pulô” at upang itapat sa archipelago (ar·ki·pé·la·gó) ng Ingles at archipielago (ar·tsi·pyé·la·gó) ng Es-pañol. Matatagpuan ang mga kapuluán sa loob ng isang lawas na tubigan o malapit sa isang malaking masa ng lupa. Halimbawa, ang Scotland ay may 700 pulô na nakapaligid sa pangunahing lupain nitó at bumubuo sa isang kapuluan. Ang mga kapuluan sa karagatan ay karaniwang likha ng mga pangyayaring bulkaniko. Ang limang pinakamalaking modernong bansang archipelago ay Indonesia, Japan, Filipinas, New Zealand, at United Kingdom. Ang pinaka-malaking arkipelahikong estado sa mundo sa pamamagi-tan ng sakop na lupain at ng populasyon ay Indonesia.

Ang Filipinas ay isang kapuluan na may mahigit 7,100 pulô. Mas marami ang bilang ng isla kapag kati at mas kaunti kapag táog. Ang una nitóng pangalan ay Archipielago de San Lazaro, isang pangalang ibininyag ni Hernando Magallanes noong 1521 dahil natanaw niya ang mga pulô ng Samar sa Araw ni San Lazaro. Tinawag itong Felipinas ni Ruy Lopez de Villalobos nang makarating si Mindanao noong 1543 bilang parangal sa noon ay Prinsipe Felipe at naging Haring Felipe II ng España. May tatlong pangunahing grupo ng pulô ang Filipinas: ang Luzon, Kabisayaan, at Mindanao. Pinakadulong pangkat ng pulo ang Batanes sa hilaga at ang Tawi-Tawi sa timog. (VSA)

Cite this article as: kapuluán. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kapuluan/