kápok
Philippine Flora, trees, trees in the Philippines, ecology, building materials
Isang mataas na pu-nongkahoy ang ká-pok (Ceiba pentandra Linn.) at tinatawag ding búlak, buboy, at balyos sa Katagalugan, daldol sa Bisaya, kulak sa Ilokano. White silk cotton tree ang tawag sa Ingles. Tumataas ito ng 150 talampakan at tila tore sa piling ng ibang mga punongkahoy sa kagubatan. Ang tuwid na punò ay silindriko, makinis, abuhin ang kulay, at umaabot sa siyam na talampakan ang diyametro. May malalaking tinik ito upang protektahan ang punò sa anumang pinsala at may mga plangkang nagsisilbing tu-kod sa punongkahoy. Ang mga sanga ay anda-andanang lumalabay nang orisontal. May bulaklak itong naglalaro ang kulay sa putî at pink na sinusulputan ng bungang tila kaluban (pod) at kulay lungtian. Nása loob ng kaluban ang mga butong may malambot na balahibo, tila cotton, at karaniwang ginagamit na palaman sa unan o kutson.
Ang kápok ay mahalaga sa sistemang ekolohiko ng kagubatan. Tahanan ito ng maraming kulisap, ibon, at hayop. Ito ay drought deciduous, ibig sabihin, nanlala-gas ang mga dahon kapag tag-init. Pagkatapos manla-gas ang dahon, bumubukás ang mga kalubang bunga nitó at nagpapawala ng tila lumilipad na mga piraso ng bulak sa himpapawid. Ang punò ng kápok ay ginagawa noong bangka at mainam na tabla. Ang buto ay ginagamit sa manupaktura ng sabon. (VSA)