Kapitólyo

Mula sa Español na capitollo, maaaring tumukoy ang kapitólyo sa (1) pinakamahalagang bayan o lungsod sa bansa o rehiyon, na siyang karaniwang sentrong pampamahalaan at pangkalakal, at tinatawag ding kabesera; o (2) ang gusaling panlalawigan.

Ilang halimbawa ng unang depinisyon ang Maynila bilang kabesera ng bansang Filipinas, Dumaguete bilang kabesera ng lalawigan ng Negros Oriental, at Marawi bilang kabesera ng Lanao del Sur.

Sa ikalawang depinisyon, madalas nagtutugma ang lokasyon ng gusaling kapitolyo ng isang lalawigan sa pook na sentrong pampolitika at pangkabuhayan. Sa kasaysayan ng Filipinas, unang naging kapitolyo ng bansa ang Intramuros dahil dito namalagi si Miguel Lopez de Legazpi bilang administrador o unang gobernador-heneral ng kolonya ng España sa dakong ito ng mundo. Nang lumaon, ang Malacañang ang naging tahanan ng mga gobernador-heneral na Español, na ipinagpatuloy ng mga mananakop na Americano, at ipinamana sa mga pangulo ng Republika ng Filipinas. Halos natural samakatwid na ituring ang Maynila bilang ulong lungsod at kapitolyo ng Filipinas.

Samantala, nabuo ang mga kapitolyo sa mga kabesera ng unang probinsiya sa panahon ng Español. Tinawag na alkaldíya (alcaldia) ang pangangasiwa ng mga lalawigan at alkálde-mayór ang mga hinirang na gobernador. Sa panahon ng Americano tinawag na governor o gobernador ang mga tagapangasiwa ng probinsiya. Nakatira ang administrador sa kapitolyo na isang gusali o mga gusaling kinalalagyan ng mga opisina ng pamahalaan. Malimit ding nása isang tampok na pook ang kapitolyo bukod sa magiging sentro ng nabuong mga kabeserang lungsod sa mga lalawigan. May mga kapitolyo ngayong itinatatag sa isang pook na nása labas ng masikip at magulong kabesera.  (PKJ)

Cite this article as: Kapitolyo. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kapitolyo/