kapé

Philippine Flora, coffee, agriculture

Punongkahoy (Caffea spp.) na tumataas nang 3.5 m, bilu-habâ ang mga berdeng dahon na makintab at patulís ang dulo. Putî ang bulaklak nitó at halos bilóg ang bunga na kulay pula kapag hinog na. Kapé din ang tawag sa bunga na ginigiling at ginagawang inumin. May iba’t ibang uri ang kapé sa bansa, gaya ng C. arabica, C. robusta, C. excelsa, C. liberica, C. amphora, at C. ugandae. Sa mga ito, pinakamabango ang arabica.

Ang mga butil ng hinog na kapé ay pinatutuyo, ibinubusa, ginigiling, at inilalaga upang inumin. Popular ang Batangas sa liberica na tinatawag na “kapéng baráko.” Ngunit kakompetensiya na ngayon ang kapeng arabica mula Cordillera. Nakakatuwa ang bunga ng komersiyalismo sa kapé. May mumurahin at nakapaketeng instant coffee para sa nagmamadalî: ang kapé sa ordinaryong kapeterya ng masa. Ngunit may mamahaling brewed coffee o banyagang blended coffee sa pamburges na coffee shop.

Dinalá mulang Mexico noong 1749 ng isang Pransiskano ang kapé sa Lipa, Batangas. Hindi nagluwat ay nagkaroon ng malaking pataniman ng kapé sa Lipa at karatig pook. Gayunman, sinira ng pesteng bagombong ang mga punò ng kapé nitóng magtatapos ang ika-19 siglo. Ang robusta ang lumitaw na pinakamatibay laban sa peste. Sa ulat noong 2005-2006, robusta ang 71% ng produksiyon sa buong bansa, 20% ang arabica, 8% amg excelsa, at 1% ang liberica. (EGN) (VSA)

Cite this article as: kapé. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kape/