káong

Philippine Flora, plants, palm, agriculture

Isang uri ng palma ang káong (arenga pinnata), sugar palm sa Ingles, at nag-iisa ang punò kung tumubò. Matag-puan ang ilahas na káong sa mga pook na tropikal mulang India hanggang Filipinas. Natural na tumutubò ito sa tabing-ilog. Ang bilugang bunga nitó na káong din ang tawag ay ginagawang minatamis at popular na halò sa haluhalo. Ang katas ng lalaking bulaklak ay nagiging tubâ. Ang himaymay ng punò ay ginagamit na sapin o kutson. Ang itim na himaymay, na tinatawag na kabonegro at yumót, ay ginagawang lubid. Kapag ang punò ay mahigit 30 taóng gu-lang na o malapit nang mamatay, pinupulak ito at kinukuha ang sagó, ang panloob na bahagi ng punò. Bawat punó ay nakukunan ng 100-150 kilogramo ng sago.

Dahil sa naturang mga produkto, magandang magpataniman ng káong. Ang isang problema, matagal bago ito maging produktibo. Sinasabing 10-16 taón ang kailangan bago ito pakinabangan. Bukod pa, maikli ang panahon ng pamumulaklak at pamumunga nitó (30 taón). Kulang din sa impormasyon kung paano ito alagaan at pagkakitahan. (VSA)

Cite this article as: káong. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kaong/