kandulì
Philippine Fauna, fish, aquatic animals, fisheries, commercial fishing
Ang kandulì (family Ariidae) ay isang uri ng isda na matatagpuan sa tropiko at mga lugar na maiinit at sa tubig alat at tabang. Maraming uri ng kandulì pero pinakamarami ang nása grupo ng Arius. Sa katunayan, katutubo sa Filipinas ang Arius manillensis.
Makinis ang kalasag sa ulo sa ha-rapan ng kandulì samantalang may maliliit na hanay ng butil at makunot naman sa hulihan. May malaking itim na batik ang mataba nitóng palikpik at may hibla sa dulo ang tinik sa likod. May mga kandulì rin na makamandag ang matigas na tinik sa likod at dibdib. Nagsisilbi itong proteksiyon laban sa mga kaaway. May karaniwang habàng 30 sm ang isang kandulì at ang pinakamalaking naitalâ ay umabot sa 80 sm.
Makikita ang isdang ito sa mga lugar ng kanlurang Indo-Pasifico, mula India hanggang sa mga karatig bansa ng Pakistan, Bangladesh, at Myanmar, at sa Kanlurang Dagat ng Filipinas. Naglalagi ang kandulì sa mga baybayin, estuwaryo, ilog, at maalat-alat na tubig. Hinuhúli ang kandulì sa pamamagitan ng basnig, bingwit, at bitag. Ipinagbibili ang isdang ito nang sariwa at kinahihiligang kainin dahil sa malasa nitóng laman. Sa Filipinas, kilalá ang Lawang Laguna na tirahan ng iba’t ibang uri ng kandulì. Subalit sa nakalipas na mga taon, unti-unting lumiliit ang popu-lasyon nitó dahil sa pagbabâ ng kalidad ng tubig at malawakang paggamit ng pukot. (MA)