Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

kamyás

Philippine Flora, tree, trees in the Philippines, fruits, cooking ingredients

Ang kamyás (Averrhoa bilimbi L.) ay isang maliit na punò na may taas na 5-12 m. Maliliit ang mga dahon nitó na nása dalawang gilid ng mga tangkay. Ang dahon ay pahabâ at may sukat na 5-10 sm. Ang mga mabalahibong bulaklak ng kamyas ay lumalabas sa punò at sa mga malaking sanga ay may habàng 1.5 sm at may mahalimuyak na amoy. Ang bunga naman nitó ay kulay berde, malam-bot, at maasim sa panlasa.

Sa Filipinas, kalimitan itong nakikita sa bakuran ng mga bahay. Ang bunga ay ginagamit na pampalasa sa mga lutuin na nangan-gailangan ng maasim na lasa. Ang maasim na prutas ay ginagamit din sa mga sopas at sa pagluluto ng isda na kung tawagin ay pinangát— iniaayos ang mga isda sa ibabaw ng kamyas at nilalagyan ng kaunting tubig at asin, at lulutuin hanggang sa matuyo. Maaari din itong maging panghimagas sa pamamagi-tan ng pagpapatuyo ng prutas nitó sa ilalim ng araw at sakâ lulutuin sa asukal. Ginagamit din itong pang-alis ng mga mantsa sa damit pati na ng mga kalawang sa mga talim na gawa sa metal.

Ang kamyás ay isang tropikong punò. Maganda ang tubò nitó sa mga matatabâ at tuyong lupa. Nabubuhay ito sa lugar na may kalat-kalat na pag-ulan ngunit may 2-3 bu-wang tag-init. Sa ibang parte ng Filipinas tinatawag ang kamyas na íba, kolonánas, kalamyás, kalingíwa, kilíng-íba, piyas, at puwis. (ACAL)

Cite this article as: kamyás. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kamyas/