kámya

Philippine Flora, plants, flowers, funerals, sampaguita,

Halamang namumulak-lak ang kámya (Hedychi-um coronarium Koenig sa pamilyang Zingiberaceae), tumutubò sa matubig na pook sa tabi ng kanal o batis, at inaalagaan dahil sa mahalimuyak na putîng bulaklak. Tinatawag din itong gandasuli sa mga pook ng mga Muslim, banay at kat-katan sa Bisaya at ginger lily sa Ingles. Katutubo ito sa India ngunit matagal nang pumasok sa Mindanao.

Ang kámya ay isang tuwid na palumpong, umaabot sa 1.5 m ang taas, makinis at mahabà ang dahon na tumutulis sa dulo, at may mga lungtiang tila-tangkay (bract) na sinusuplingan ng kumpol na 2-3 bulaklak. Ang mga palukong na talulot ng bulaklak ay putî na manilaw-nilaw sa gitna, 4-5 sm ang habà, at napakabango lalo na sa gabi. Ginagawa itong bahagi ng pumpong pang-alay o korona para sa patay. Mapapansin din ngayong ipinapalit ito sa ilang-ilang na palawit ng itinitindang mga kuwintas ng sampagita. (VSA)

Cite this article as: kámya. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kamya/