kamuníng
Philippine Flora, tree, trees in the Philippines, flowers
Ang kamuníng (Murraya paniculata) ay isang punongkahoy na may matigas at dilaw na kahoy at lumalaki nang mula 3 m – 8 m ang taas. Ang dahon nito ay hugis peras, kulay berde, makintab, at may habàng 8-15 sm. Namumulaklak ito sa buong taon ng mga puti at mahalimuyak na bulaklak. May bunga rin ito, malamán, hugis itlog o patulis, at may habàng 1-1.5 sm.
Ang kamuning ay nangangailangan ng sapat na araw at ma-masâ-masâng lupa para mabuhay ito nang maayos. Da-hil mabilis itong lu-maki, kailangan itong palaging gupitan upang mapanatili ang magandang anyo nitó. May dalawang paraan ng pagpaparami ng kamuning. Una, ang paggamit ng butó na daraan sa tatlong proseso: paghahanda ng butó, pagpapasibol ng butó, at paglilipat nitó sa lupa. Pangalawa, ang paggamit ng pinutol na sanga (stem cutting) ng kamuning. Ang isang bahagi ng pinutol na sanga ay kukulubin upang mapabilis ang pagpaparami ng ugat nito bago ito itanim.
Ang kamuning ay tinatawag ding banasik o banaasi (Ilokano), banaot (Sambali), banasi (Bikol, Ibanag), banati (Sebwano, Bukidnon, Magindanaw, Manobo), at ka-muning (Tagalog, Bikol, Kapampangan). (ACAL)