Kámpo Aguinaldo
Ang Kampo Aguinaldo (a•gi•nál•do, Camp Aguinaldo sa Ingles) ang pambansang headquarters ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na matatagpuan sa Epifanio de los Santos Avenue, Lungsod Quezon, Metro Manila. Katapat nitó ang Kampo Aguinaldo, ang pambansang headquarters ng Philippine National Police (PNP). Ipinangalan ito kay Heneral at Pangulong Emilio Aguinaldo.
Noong 1935, bumili ang pamahalaan ng Filipinas ng lupa sa New Manila Heights (na magiging bahagi ng Lungsod Quezon sa hinaharap), at pagkaraan ng ilang taon ay naging tahanan ito ng mga gusali at pasilidad ng mga sangay ng hukbong sandatahan ng Filipinas.
Tinawag itong Camp Murphy bilang pagkilala sa unang Americanong high commissioner na si Frank Murphy. May lawak na 178.78 ektarya ang kampo; 152.52 ektarya nitó ang binili ng pamahalaan samantalang 26.26 ektarya ang ibinigay ng Ortigas and Co. Partnership Ltd.
Ang Philippine Constabulary General Service Battalion ang unang gumamit ng kampo noong 1935. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, hinati ang Camp Murphy sa dalawa, ang Kampo Aguinaldo at ang Kampo Crame. Ang ilang runway ng paliparang Zablan Field ng dating Camp Murphy ang pinaglatagan ng White Plains Avenue at bahagi ng Katipunan Avenue. Sa kasalukyan, matatagpuan malapit sa isang geyt ng kampo ang People Power Monument.
Naging saksi ang Kampo Aguinaldo at ang kakambal nitong Kampo Crame sa People Power Revolution (EDSA I), kung kailan bumaligtad sina Heneral Fidel V. Ramos, Ministro Juan Ponce Enrile, at mga naghimagsik na sundalo laban sa rehimeng Marcos. Noong 1989 sa panunungkulan ni Pangulong Corazon Aquino, nakubkob ng mga nagkukudetang sundalo ang bahagi ng kampo, na siya ring binomba ng mga helikopter at eroplanong pandigma. (PKJ)