Kampanà ng Simbáhang Panáy

Ang Kampanà ng Simbáhang Panáy, o kilalá bilang”Dakong Lingganay” (”malaking kampana”) ang pinakamalaking batingaw sa buong Filipinas at Asia. Matatagpuan ito sa tore ng Simbahang Panay (o Panay) sa bayan ng Panay, lalawigan ng Capiz, rehiyong Kanlurang Visayas. Kilalá din ang simbahan bilang Simbahan ng Parokya ng Santa Monica, na siyáng isa sa pinakamatandang simbahan sa isla ng Panay. Ang kasalukuyang gusali ay itinayô noong 1884, ngunit itinayô ang unang simbahan noong 1774.

Noong 1878, sinasabing ikinomisyon ng kura paroko ng simbahan, si Fray Jose Beloso, ang isang     Don Juan Reina upang magpagawa ng isang kampana, na nabuo mula sa nilusaw na pitumpung sako ng barya na ibinigay ng taumbayan. May lapad itong pitóng talampakan, taas na limang talampakan, at bigat na 10.4 tonelada. Kasiyang-kasiya ang isang tao sa bunganga at loob ng kampana. Kasama nitó sa tore ang ilan pang mas maliliit na batingaw, at isang replika ang nakadispley sa munting parke sa labas ng simbahan.

Ito ang nililok na mga salita sa mukha ng kampana:

SOY LA VOZ DE DIOS QUE LLEVARE
Y ENSALAZARE DES DE EL
PRINCIPIO HASTA EL FIN DE ESTE
PUEBLO DE PANAY PARAQUE LOS
FIELES DE JESUCRISTO VENGAN
A ESTA CASA DE DIOS A RECIBIR
LAS GRACIAS CELESTIALES

Noong 1997, ipinahayag ng National Historical Institute ang simbahan bilang Pambansang  Palatandaang Pangkasaysayan (National Historical Landmark). Noong 2011, ipinahayag Pambansang Museo ang simbahan bilang Pambansang Yamang Pangkalinangan (National Cultural Treasure). (PKJ)

Cite this article as: Kampana ng Simbahang Panay. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kampana-ng-simbahang-panay/