kamóteng-káhoy
Philippine Flora, root crop, plants, yam, cassava, cooking ingredients, poisonous plants
Isang tuwid at mataas na halaman ang kamóteng-káhoy (Manihot esculenta Crantz, family Europhorbiaceae), umaabot sa 3 m ang taas, bahagyang kahoy ang punò, may dahong 10-20 sm ang habà at nahahati sa 3-7 maninipis na bahagi, at namumulak-lak. Popular na tinatawag din itong kasabá (cassava) at balinghóy at inuring tapioca plant sa Ingles.
Inaalagaan ito dahil sa malaki at malamáng bungang-ugat at nagdudulot ng gawgaw (starch). Alternatibong pangunahing pagkaing may carbohydrates sa maraming lugar sa Asia, Africa, at Timog America ang kamoteng-kahoy. Ipinagbibili ito sa anyong arina. May cassava chips na rin ngayon na pangmeryenda. May ulat noong 2002 na umaabot sa 184 tonelada ang produksiyong pandaigdig ng kamoteng-kahoy.
Maraming ilahas na varayti nitó hanggang ngayon sa kagubatan ng Timog America. Ang unang pinatubò sa Filipinas ay mula sa Mexico at dinalá dito sa panahon ng kolonyalismong Español. Madalîng patubuin ang kamoteng-kahoy. Hindi nitó kailangan ang matabâng lupa o patabâ at tumutubò kahit nakabilad sa init. Mahigpit na ipinagbibilin ang paghuhugas mabuti sa bungang-ugat upang maalis ang nakalalason nitóng katas sa balát. Hugasan muli matapos mabalatan. Sa mga nayon ng Filipinas, karaniwang inilalaga ang bungang-ugat o ginagayat at ipiniprito. (VSA)