Kamikaze

Tumutukoy ang kamikáze sa eroplanong kargado ng mga bomba at kusang pinababagsak sa isang tiyak na target, o kayâ sa piloto ng naturang eroplano. Isa itong uri ng”suicide attack” at nangangahulugang ”banal na hangin” sa wikang Japanese. Sinimulan ito at malimit gamitin ng mga Japanese bago magsara ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa panahon ng napipintong ang pagkatalo ng kanilang Hukbong Imperyal sa mga Alyadong puwersa. Nakaugat ito sa kanilang tradisyon ng búhay samurai at kodigong Bushido: kamatayan bago ang pagsuko, pagkadakip, at kahihiyan.

Napagplanuhan at ginawang isang opisyal na taktika ang kamikaze sa Filipinas, sa isang pulong ng mga opisyal na Japanese sa Clark Air Base sa Pampanga noong 19 Oktubre1944. Kakasimula noon ng Labanang Golpong Leyte, at napagtanto ng mga Japanese ang malaking bentaha ng mga Americano sa bilang ng barko at eroplano. Nagpasiya si Bise Admiral Takijiro Onishi na bumuo ng isang pangkat ng mga pilotong kamikaze. Sinasabing sinambit niyang, ”Sa tingin ko, walang ibang tiyak na paraan upang itaguyod ang operasyon [na ipagtanggol ang Filipinas] kundi ang maglagay ng 250 kilogramong bomba sa isang Zero (Mitsubishi Zero, ang pangunahing fighter plane ng Japan) at ibagsak ito sa isang carrier ng America, nang sa gayon ay hindi ito magamit nang isang linggo.”

Ilan sa mga unang kamikaze ay naganap sa Filipinas o sa mga dagat nitó, tulad sa Labanang Golpong Leyte noong Oktubre 1944 (pagbabalik ng hukbong Americano sa bansa), at Labanang Golpong Lingayen noong Enero1945 (paglusob ng hukbong Americano sa Luzon). Sa kabuuan ng Kampanya sa Karagatang Pasifico ng digmaan, mahigit-kumulang 50 sasakyang-dagat ang pinalubog ng mga kamikaze. Tatlo dito ay malalaking aircraft carrier, kabilang ang USS St. Lo, na lumubog sa Golpong Leyte at siyang unang pangunahing barkong pandigma na pinalubog ng kamikaze. Halos 4,000 pilotong kamikaze naman ang nagbuwis ng búhay. (PKJ)

Cite this article as: Kamikaze. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kamikaze/