kambíng

Philippine Fauna, goat. Mammal, cooking ingredients, livestock

Ang kambíng (capraaegagrushircus) ay inaalagaang hayop na may apat na paa, may sungay at pinong balahibo sa buong katawan. Mayroon itong parang balbas sa babà at kumakain ng sariwang damo. Ang mga domestikadong kambing ay mula sa mabangis na kambing ng timog-kanlurang Asia at silangang Europa. Ang itinuturing na katutubong kambing ay maliit at tumitimbang ng 20-30 kilo. May mga dayuhan ngayon, ngunit maituturing na pinakahiyáng sa Filipinas ang lahing Anglo-Nubian na malaki, tumitimbang ng 120 kilo, at nakapagbibigay ng 2-3 litrong gatas araw-araw, at ang lahing Saanane na karaniwang kulay putî at walang balbas, tinatawag na “reyna ng gatasang kambing” dahil nagbibigay ang inahin ng 3 litrong gatas araw-araw.

Paboritong pagkain sa Kailokohan, ang karne ng kambing ay may iba’t ibang lutong putahe. Ang pinakapopular ay ang kaldereta at kilawen. Paborito ring pinagkukunan ng masarap at masustansiyang gatas ang domestikadong kambing. Pati na ang buhok at katad ay nagagawang mga damit at palamuti. Karaniwan ding inaalagaan ito sa ba-kuran dahil maliliit lámang ang kailangang puhunan. Hindi ito nangangailangan ng mamaháling gamit at kulungan. Matibay ang katawan ng kambing at nabubúhay sa halaman o pagkaing hindi gusto ng ibang hayop. (PGD)

Cite this article as: kambíng. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kambing/