kamagóng

Philippine Flora, trees, trees in the Philippines, traditional medicine, medicinal plants, endangered species, protected species

Ang kamagóng (genus Diospyros) ay isang namumungang punongkahoy na sa Filipinas lang matatagpuan. Ang punò nitó ay makapal, matigas at natatangi sa maitim nitóng kulay. Tinatawag din itong iron wood dahil sa tibay nitó. Ang punò nitó ay tinatawag na kamagong at ang prutas naman nitó at tinatawag na mabulo. Ang dahon nitó ay parang balát, hugis itlog, at may habàng 20 sm.

Ang punò ng kamagong ay lumalaki ng hanggang 33 m ang taas. Nabubuhay ito sa iba’t ibang klase ng lupa ngunit nangangailangan ito ng sapat na ulan sa buong taon. Ang butóng itinanim mula dito ay mamumunga sa loob ng anim hanggang pitóng taon.

Ang balát ng prutas ng kamagong ay kulay pulá hanggang kulay lupa, pino, at makinis. Mayroon itong mga buhok na dapat alisin bago kainin upang maiwasan ang pangangatí ng bibig at lalamunan. Dahil sa mga buhok nitó, tinawag itong “mabulo” na ang ibig sabihin ay mabuhok. Ang lamán nitó na nakakain ay malambot, makrema, at kulay rosas. Ang amoy ng prutas nitó ay masangsang na maihahalintulad sa amoy ng nabubulok na keso o dumi ng pusa. Nagmumula ito sa balát nitó. Mayaman ito sa calcium, iron, at bitamina B.

Ang pinaglagaan ng dahon at balát ng punò ng kamagong ay mabisàng lunas sa mga sakít sa balát. Maaari itong inu-min o isama sa tubig na pampaligo. Ang pinaglagaan din ng balát ng kahoy ay ginagamit na lunas ng mga táong may ubo.

Ang kamagong ay itinuturing na nanganganib nang mawala kayâ pinoprotektahan na ito ng batas ng Filipinas. Kakailanganin ang permiso ng Kawanihan ng Paggugubat at Kagawaran ng Kaligiran at Likas na Yaman kapag maglalabas ng punò nitó sa Filipinas. (ACAL)

Cite this article as: kamagóng. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kamagong/