Kalyeng Colon

Ang Kályeng Colon (Ko·lón) ang itinuturing na pinakamatandang daan sa Filipinas. Matatagpuan ito sa distrito ng Parian sa Lungsod Cebu. Ayon sa oral na tradisyon, ipinangalan ito sa bantog na manlalayag na si Christopher Colombus(Cristobal Colon sa pangalang Español) ngunit wala pang dokumento na nakapagpapatunay  nitó. Nabuo ang kalyeng ito noong 1565 alinsunod sa plano ng mga Español na pagdidisenyo na pakuwadrado(grid pattern) ng pamayanan sa Cebu sa pamumunò ni Miguel Lopez de Legazpi.

Idineklara itong “historical landmark” noong 1999 ng National Historical Institute. May isang obelisk sa hilagang dulo ng kalye at nakalimbag dito ang ilang detalye sa kasaysayan ng Colon. May mga palatandaan ding nagsasaad ng impormasyon sa mga dáting nakatayông estruktura sa kalyeng iyon. Kabilang dio ang mga sumusunod: Tahanang Vaño, Tahanang Rallos, Guidetti’s Studio, Tahanang Tamyo, Lu Do Copra Plant, Tahanang Doña Modesta Singson-Gaisano, Southern Institute, Tahanang nina Don Victoriano Osmeña at Don Tomas Osmeña, University of Visayas, at marami pa.

Nagbago ang anyo ng pamayanan sa paligid ng kalye noong dumating ang Español. Noong 1595, nagkaroon ng tatlong komunidad: San Pedro para sa mga Epañol, San Nicolas para sa mga katutubo, at Parian para sa Chino. Nakilála rin ang kalye Colon sa tawag na Parian dahil ito ang pangunahing daang nagdudugtong sa distrito ng Parian. Dito nangyayari ang kalakalan ng mga Chino at Filipino noon. Ang salitang Parian ay nanggaling sa “paripari” na nangangahulugang “magbenta” o “barter.”

Sa paglipas ng panahon nagbago ang imahen ng lugar. Nagkaroon ng iba’t ibang establisimiyento at estruktura. May makikitang mga bahay pasyalan, kainan tindahan, teatro, at iba pa. Dahil sa dami na rin ng tao sa lugar,naging talamak dito ang krimen gaya ng pagnanakaw, panghoholdap, at minsan patayan. Noong 2006, isinara ang ilang bahagi ng kalye para sa sasakyan at ginawa itong sonang panturismo Pinamunuan ito ni Kongresista Tomas Osmeña upang maibalik ang dáting ganda at sigla ng lugar. Nagkaroon din hanggang sa kasalukuyan ng mga pulis at tanod na nagbabantay sa buong araw para maiwasan ang mga masamâng pangyayari. (ELBJR)

Cite this article as: Kalyeng Colon. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kalyeng-colon/

Related Articles