kalumpít

Philippine Flora, trees, trees in the Philippines, salawikain, proverbs

Isang malaki at matigas na punongkahoyang kalumpít (Terminalia edulis Blanco), at tinawag ding anagep at  kalantít  sa  Ilokano, kalumagon  sa  Bikol,  kalumanog sa Bisaya, at alupi sa Ibanag. Tumataas ito ng 25 m at isang metro ang diyametro ng punò. Ang mga dahon ay mahabà at matulis sa magkabilaâng dulo. May maliliit itong putîng manilaw-nilaw na bulaklak at maliliit na bilóg na bungang nagiging mapulá kapag hinog.

Malaganap ang kalumpit sa buong kapuluan. Ang balát ay may tannin. Ang mga dahon ay pampatabâ ng báka. Nakakain ang hinog na bunga nitó. Ginagamit din ang bunga bilang pampatamis sa pinagugulang na lambanog. May bayan ng Kalumpit sa Bulacan. Inspirasyon ang tigas nitó bilang punongkahoy sa gumawa ng salawikain upang uyamin ang matanda na nagpipilit magmukhang kabataan:

Nagmumurang kalumpit

Nagmamatandang kulit.

Kabaligtaran naman ang kabataan, na sinasagisag ng malambot na palumpong na kulit, na nagsisikap maituring na matanda na. (VSA)

Cite this article as: kalumpít. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kalumpit/