kálaw
Philippine Fauna, birds, hornbill
Ang kálaw o Rufous Hornbill ( Buceros hydrocorax) ay isang malaking uri ng hornbill. Kilalá rin ito sa pangalang Philippine Hornbill. Sa Filipinas lámang ito matatagpuan, lalo na sa Luzon at Marinduque (lah-ing hydrocorax), Samar, Leyte, Bohol, Panaon, Biliran, Calicoan, at Buad (lahing semigaleatus), Dinagat, Siar-gao, at Mindanao (lahing mindanensis). Madalî itong makíta sa bundok ng Sierra Madre sa Luzon, subalit patuloy na nanganganib dahil sa walang-tigil na panghuhúli dito at malawakang pagkawala o pag-kasira ng kanilang tirahan.
Ang tuka ng karaniwang kalaw ay purong pulá, samantalang ang mga subspecies tulad ng semigaleatus at mindanensis ay may maputlang dilaw ang kalahati ng tuka. Mga hornbill lámang ang ibon na magkadikit ang unang dalawang vertebrae sa leeg (ang axis at atlas), nagbibigay ito ng mas matatag na posisyon para madalá nang balanse ang malalaking tuka. Kadalasan, nása itaas ng punongkahoy ang kalaw, ngunit sa umaga ay bumababâ upang tumuka ng mga larva ng insekto, alupihan. at tipaklong. Kumakain rin ito ng mga prutas. Kung minsan, tinatawag na “orasan ng kabundukan” ang ibong ito dahil sa paghuni nitó tuwing katanghalian.
Ang kalaw ay isang species na monogamo. Gumagawa ito ng pugad sa mga guwang ng punongkahoy. Mga babaeng kalaw lámang ang lumilimlim sa mga itlog. Kapag nakapangitlog na, ang bútas ng pugad ay sinasarahan ng putik maliban sa makitid at bertikal na puwang para sa pagdadalá ng pagkain ng lalaking kalaw. Tungkulin ng lalaking kalaw ang pagpapakain sa lahat ng nása loob ng pugad. (SSC)