Teodóro M. Kálaw

(31 Marso 1884—4 Disyembre 1940)

Si Teodoro Manguiat Kalaw (Te·o·dó·ro Mang·gí·at Ká·law) ay isang nasyonalistang iskolar, mambabatas, mamamahayag, historyador, at isa sa iilang mahusay na manunulat ng Filipinas sa tatlong wika (Español, Ingles, Filipino).

Bilang manunulat, ilan sa mga kinatha ni Kalaw ang Mi Pagina Diaria, La Campaña de Kuomintang, Reformas en La Enseñanza del Derecho, La Constitucion de Malolos, Teorias Constitucionales (1912), The Constitutional Plan of the Philippine Revolution (1914), at La Revolucion Filipina. Noong 1903, nagsimula siyá ng magsulat para sa El Renacimiento, isang nangungunang pahayagan na kritikal sa mga abusadong opisyal sa pamahalaang Americano. Noong 1907, siyá ang naging pinakabatàng patnugot nitó. Noong 1908, sinakdal siyá sa kasong libelo ng Kalihim Panloob na si Dean Worcester para sa pagpapalimbag ng editorial na “Aves de Rapiña.” Nagsilbi lámang itong dagdag sa katanyagan ni Kalaw, lalo sa hanay ng mga nasyonalistang Filipino. Sa dami at husay ng kaniyang mga isinulat mula 1900 hanggang 1940, binansagan ang mga taóng ito ng historyador na si Teodoro Agoncillo bilang “Panahon ni Kalaw.”

Bilang mambabatas, nahalal si Kalaw na assemblyman (1909—1912). Noong 1920 itinalaga siyáng Kalihim Panloob (Secretary of the Interior). Hinirang siyá ng director ng Pambansang Aklatan, isang katungkulang hinawakan niya hanggang sa kaniyang kamatayan.

Isinilang siyá noong 31 Marso 1884 sa Lipa, Batangas kina Valerio Kalaw, ang huling capitan municipal ng bayan sa panahon ng Español at unang president municipal sa panahon ng Americano, at Maria Manguiat. Nag-aral siyá sa Escuela Pia sa Lipa, pagkaraan ay sa Maynila, at sa Lipa muli sa Instituto Rizal. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Arte (na may mataas na karangalan) sa Liceo de Manila. Nakuha niya ang kaniyang Batsilyer sa Abogasya noong 1905 sa Escuela de Derecho, ang pinakaunang paaralan ng abogasya sa Filipinas. Nanguna siyá sa bar exam nang may grado na 100 porsiyento sa batas sibil. Nagkaroon siyá ng apat na anak kay Purificacion Garcia Villanueva, ang unang Manila Carnival Queen noong 1908. Pumanaw siyá noong 5 Disyembre 1940 sa edad na 56. Ipinangalan sa kaniya ang dating Calle San Luis na bumabaybay sa isang panig ng Liwasang Rizal (Luneta) at kinatitirikan ngayon ng Pambansang Aklatan. (PKJ)

Cite this article as: Kalaw, Teodoro M.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kalaw-teodoro-m/

Related Articles