kalatsútsi

Philippine Flora, trees, trees in the Philippines, ornamental plants

Ang kalatsútsi (Plu-meria acuminata Air.) ay isang punò na 3-7 m ang taas. Ang mga sanga nitó’y liko-liko, makapal, at may mga makinis at makintab na tangkay. Sa mga tangkay nitó namumuo ang kumpol-kumpol na mga putî at mabangong bulaklak. Ang da-hon nitó ay biluhaba, kulay berde, parehong matulis ang mga dulo, at nakaayos nang paikot sa mga dulo ng sanga. Ang mga sanga din nitó ay nagtataglay ng madikit at kulay putîng dagta. Malalaki ang bulaklak nitó na may habàng 5-6 sm. Kulay putî o lila ang labas nitó at mapusyaw na dilaw naman ang loob. Kumpol-kumpol kung mamulaklak ito at nangyayari kung naglalagas na ang mga dahon.

Ang kalatsutsi ay pinayayabong sa Filipinas dahil ginagamit itong pandekorasyon sa mga hardin o sa mga okasyon na nangangailangan ng mga putîng bulaklak. Sa panahon ng Mayo, nangunguha ang mga batà ng mga bulaklak nitó upang ialay sa simbahan. Sinasabing ito rin ang pinanggagalingan ng pabango na kilalang “Frangipani.” Sa kultura ng mga Filipino, ang kalatsutsi din ang bulaklak na iniaalay sa mga patay. Dinalá ito ng mga Español mula sa Mexico. (ACAL)

Cite this article as: kalatsútsi. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kalatsutsi/