kalamansî
Philippine Flora, fruits, plants, cooking ingredients, medicinal plants, traditional medicine
Ang kalamansî (citrofortellamicrocarpa) ay isang punò na lumalaki nang 3–5 mang taas. Dito sa Filipinas, ito ay tinatawag ding kalamondín o kalamondíng, limonsíto, sintónis, at aldonísis. Sinasabing ang kalamansi ay nagmula sa bansang China at kumalat na ito sa Silangan gaya ng Filipinas at Indonesia.
Ang kalamansi ay namumulaklak ng kulay putî o kung minsan ay mapusyaw na lila. Bilog ang mga prutas nitó na kulay berde kung hilaw at kulay dilaw kapag ito’y hinayaang mahinog sa punò. Manipis at makinis ang balát ng prutas ng kalamansi.
Tumutubò ito sa maraming uri ng lupa, mula sa luad hanggang sa batong apog, hanggang sa buhangin, subalit pinakamaganda ang tubò nitó sa mabuhanging lupa o luad na hindi tinitigilan ng tubig, maraming patabâng organiko, at may pH na 5.5–7.0. Marami rin ang nagtatanim nitó sa kapatagan.
Maraming gamit ang kalamansi sa Filipinas. Kinukuha ang katas nitó at ipinoproseso upang gawing inumin na tulad ng ginagawa sa iba pang maasim at matamis na prutas. Ginagawa din itong marmelada na ipinapalamán sa tinapay. Ang katas nitó ay ginagamit na pang-alis ng mantsa sa damit, pang-alis ng amoy at dumi sa katawan ng tao, pampaputî ng balát, at shampoo. Ginagamit din itong panggamot sa pangangatí ng balát, gamot sa ubo, pang-alis ng pamamagâ, pampurga, at kapag inihalò na sa paminta ay pampalabas ng plema. Ang mga ugat ng kalamansi ay isang sinaunang gamot sa bagong panganak, at ang dinalisay na langis mula sa dahon ay gamot sa kabag. Maaari din itong ilagay sa pasô at gawing pandekorasyon sa hardin. (ACAL)