kalabáw
Philippine Fauna, Carabao, mammal, animal domestication, agriculture, carabeef
Ang kalabáw (Bubalus bubalis carabanesis o minsan Buba-lus carabanesis) ay ang itinuturing na Pambansang Hayop ng Filipinas. Ito ay isang domestikado o pinaamong uri ng kalabaw na pantubig. Iniuugnay ang kalabaw sa mga magbubukid dahil ito ang hayop para sa pag-aararo at para sa paghila ng kariton na ginagamit ng mga magbubukid. Likás ang mga kalabaw sa Filipinas at anuwáng ang katutubong panga-an. Buháy pa ang pan-galang ito sa Aklanon, bagaman naputol at naging nuwáng na lamang sa mga Ilokano.
Karaniwang nabubúhay ang mga kalabaw nang 18 hanggang 20 taon at maaaring umabot ang timbang sa 800 kilo. Parehong may sungay ang babae’t lalaking kalabaw. Itim naman ang karaniwang kulay ng balát nitó sa buong katawan hábang mabuhok ang kanilang ulo at ang dulo ng kanilang buntot. Tinatawag na albino ang may kulay na pink. Kadalasang makikitang nagpapalamig ang mga kalabaw sa mga putikán, dahil wala itong tinatawag na sweat glands na ginagamit ng maraming hayop upang maglabas ng init mula sa katawan.
Damo, pulut, at iba pang halamang ligaw ang pagkain ng kalabaw. Mahalaga din ang mga kalabaw dahil sa gatas at karne. Kinakain ang karne ng kalabaw. Tinatawag itong carabeef sa Ingles. Sa mga pista, nagkakaroon noon ng karera ng mga kalabaw. Sa parada, may paligsahan hinggil sa pinakamakisig at pinakamalusog na kalabaw. Sa Pulilan, ipinagmamalaki kung pista ang mga kalabaw na tinuruang iluhod ang unahang mga paa. (SSC)