kalabása

Philippine Flora, vine, vegetable, squash, nutrition,

Ang  kalabása  (genus Cucurbita), ay isang halamang baging na may malapad na dahon at bungang kinakain bilang gulay na mayaman sa bitamina at mineral. Ang halamang ito ay gumagapang pataas at may habàng apat na metro. Ang dahon nito ay pabilog, 15–30 sm, at hugis puso. Ang bulaklak nito ay hugis kampanilya at kulay dilaw. Ang bunga ng kalabasa ay malaki, malamán, at kulay dilaw. Ang butó naman nito ay hugis itlog na sapad.

Ang kalabasa ay mayaman sa bitamina A at B. Ang mga usbong at bulaklak nitó ay nagtataglay ng iron, calcium, at phosphorus. Ayon sa pag-aaral, ang bulaklak ng kalabasa ay may lutein na pumipigil sa pagkakaroon ng katarata. Ayon sa isa pang pag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas, ang bulaklak ng kalabasa ay may sangkap ng spinasterol. Pinipigil nito nang 55% ang pagkakaroon ng tumor sa balát. Ayon naman sa Philippine National Kidney and Transplant Institute, ang pagkain ng mga pagkaing mayaman sa phosphorus, gaya ng kalabasa, ay maaaring mag-ing sanhi ng pangangatí ng balát at paghina ng paggana ng bató ng isang tao.

Ang butó ng kalabasa naman ay mataas sa fatty acids. Nagtataglay rin ito ng saponin na nagpapababa ng kolesterol at nagpapabagal sa pagtubò ng cancer cells. Ang langis na nakukuha sa butó nitó sa pamamagitan ng pagdikdik dito ay nagsisilbing pampalakas ng ugat.

Sa Filipinas, itinatanim ang kalabasa sa buong taon. Upang makakuha ng magandang bunga nitó, kinakailangang de-kalidad ang butóng itatanim. Nabubuhay ang kalabasa sa tropikong klima. Hindi ito maselan sa pag-aalaga at maliit lamang ang kailangang kapital para sa pagpaparami nito.

Ang kalabasa ay tinatawag ding kabási sa Sulu, karabása sa Ilokano, kumbása sa Bontok, at kalabásang-bilóg at kalabásang-pulá sa Tagalog. (ACAL)

Cite this article as: kalabása. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kalabasa/