kakáw

Philippine Flora, cacao, chocolate, agriculture

Ang kakáw (Theobroma cacao) ay isang uri ng punongkahoy na ang butó ng bunga ay nagiging sangkap sa pag-gawa ng kokwa at tsokolate. Nagmula ito sa kagubatang tropiko ng America. Karaniwang tumataas ito ng 15 m subalit ang pinamumungang punò ay sadyang pinuputulan upang madali ang pamimitas ng bunga. Ang dahon nito ay makinis na kulay berde at hugis biluhaba, samantalang ang bagong dahon ay nagkukulay pulá.

Kilalá ang punòng kakaw sa pagkakaroon ng butóng ipinoproseso upang gawing tsokolate. Ang bunga nitó ay hugis biluhaba na karaniwang may sukat na ay 15–30 sm ang habà at nagkukulay dilaw na kahel kapag ito ay nahinog. Ang isang bunga ay maaaring magkaroon ng 20–60 butó na binabalutan ng putîng sapal na siyang pinagmumulan ng pulbos na tsokolate. Nagagamit din ang sapal nitó sa paggawa ng inúmin.

Ayon sa kasaysayan, ang unang Europeo na nakatagpo sa punò ng kakaw ay si Cristobal Colon noong taóng 1502. Kasama ang ibang manlalayag, namangha sila sa punò na noong una ay inakalang punò ng almond. Ang kaalaman tungkol sa paggawa ng tsokolate mula sa punò ng kakaw ay nagmula sa mga Español. Sa wikang Greek, ang salitâng theobroma ay nangangahulugang “pagkain ng mga diyos.” (ACAL)

Cite this article as: kakáw. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kakaw/