kaimitò
Philippine Flora, fruits, trees, trees in the Philippines, Star Apple
Ang kaimitò o kaymitò (Chrysophyllulm cainito Linn. sa pamilyang Sapotaceae) ay punongkahoy na di-gaanong kataasan, umaabot sa 15 m ang taas, at inaalagaan dahil sa bunga nitó. Mula ang pangalan sa Español na caimito at tinatawag na star apple sa Ingles. Marami itong sanga na payat at kulay pilak ang dulo. Ang mga dahon ay habilog, tila-katad, 5–15 sm ang habà, matulis ang dulo, at kulay ginintuang-kayumanggi ang pang-ilalim na rabaw.
Ang prutas ng kaimitò ay malaki at bilugan, 6–10 sm ang diya-metro, makintab at mapusyaw na lungtian o biyoleta ang kulay ng balát. Ang loob ay may lamukot na maputî o bahagyang biyoleta ang kulay na bumabálot sa sapad na butóng itim. Ang lamukot ay may mala-gatas na katas at matamis sa panlasa. Antioksidante din ang lamán ng prutas. May panahon ang pamumunga ng kaimitò kayâ hindi pala-giang may tinda ng prutas nitó sa palengke. (VSA)