Kadangyán

Ang kadangyán ay tumutukoy sa uring mariwasa sa tradisyonal na lipunan ng mga Ifugaw. Ang kayamanan ng kadangyan ay nakabatay sa pag-aari ng malalawak na taniman ng palay, ginto, mga hayop na tulad ng kalabaw, mga antigong gusi, at iba pang palatandaan ng tradisyonal na yaman. Lubos na kinikilala at iginagalang ang mga kadangyan, bagaman walang pormal na kodigo na nagtatakda ng kanilang awtoridad. Gayunman, alinsunod sa dikta ng tradisyon, kailangang magdaos ang mga kadangyan ng malalaking pista upang mapanatili nito ang kanilang prestihiyo.

Sa ilang lugar, may pag-uuri sa loob ng uring kadangyan. Ang pinakamataas ang ranggo at prestihiyo ay ang himmagábi, ang mga pamilyang nakapagdaos ng ritwal ng hagábi, ang pinakamarangya at pinaka-magastos sa lahat ng pagpipista. Madaling matukoy kung sino sa ili ang himmagabi. Makikita sa kanilang bakuran ang isang napakalaking bangkô ohimlayang kahoy na tinatawag ding hagabi. Sumusunod sa ranggo ang unmuy-ya-uy. Gayon ang tawag sapagkat nakapagdaos na ng uyauy, ang marangyang pista sakasal.

Maaaring may iba pang mayayamang angkan sa ili, ngunit hindi sila ituturing na kadangyan hanggang hindi sila nakapagdadaos ng malalaking pistang makapagbibigay sa kanila ng prestihiyo at awtoridad. (DLT)

Cite this article as: Kadangyan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kadangyan/