kabuté
Philippine Flora, mushroom, fungus, cooking ingredients, species
Ang kabuté ay isang uri ng halamang singaw o fungus, tinatawag sa Ingles na mushroom, at malimit na kahawig ng isang nakabukás na payong. Maraming uri ito at may iba’t ibang hugis. Karaniwang tinatawag na kabute ang may hasang na funggus (uring Basidiomycota at Agarico-mycetes), may tagdan, at may sunong o putong. Pinakakaraniwan namang inaalagaang komersiyal ang funggus na tila butones (Agaricus bisporus) at kilala sa Ingles na but-ton mushroom. Marami ding uri ng kabute na nakalalason. Sa alamat na Kanluranin, may tinatawag na toadstool (“upuan ng palaka”) at malimit ilarawang silungán ng duwende o upuan ng palakang nanghuhúli ng langaw.
Sa Filipinas, kawikaan nang “sumipot na parang kabuté” para sa tao o anumang biglang lumitaw at walang nakaba-batid sa pinagmulan. Mula ito sa karaniwang pangyayari na maraming tumutubòng kabuteng bukid (Agaricus campestris) pagkatapos ng makidlat na ulan. Ang kabuténg búkid ay itinuturing na nakakain. Itinuturing ding mataas ang uring kabuteng nakakain na kabuténg ságing (kabuteng tumutubò sa binulok na punò ng saging) at kabuténg dayámi (kabuteng tumutubò sa binulok na dayami ng palay). Ang pangunahing lawas ng kabute ay Agaricales, kasáma na rito ang mga nabanggit na nakakaing kabute at ang shiitake, enoki, oyster mushroom, at fly agaric. May sandwits na burger mushroom na itinitinda ngayon at may pangunahing sangay sa Lungsod Tagaytay. Makabuluhang titigan ang poster sa dingding ng naturang restoran hinggil sa ilang uri ng kabuté. (VSA)