Sharif Kabungsuwan
Kinikilálang tagapagtag ng sultanatong Magindanao si Sharif Kabungsuwan (Syá·rif Ka·bung·sú·an). Ayon sa isang tarsila, ama niya ang Arabeng si Sharif Ali Zein ul-Abidin at ina ang isang prinsesa sa Johore, Malaysia. Sharif Muhammad Kabungsuwan ang buong pangalan niya. May salaysay na nang sakupin ng mga Portugues ang Malacca ay iniwan niya ang Johore, kasáma ang maraming tauhan. Sakay ng mga paraw, nagdaan silá sa Brunei, at napadpad sa baybayin ng ngayo’y Malabang, Lanao del Sur noong bandáng 1515. Ayon sa isang tarsila, dumaong si Kabungsuwan sa Natubakan, bunganga ng Ilog Pulangi at sinalubong nina Tabunaway at Mamalu. Niyayà ni Tabunaway si Kabungsuwan na pumasok sa Magindanao. Pumayag lámang si Kabungsuwan pagkatapos maging Muslim si na Tabunaway at Mamalu.
Nag-iwan siyá ng ilang tauhan sa Malabang at ginalugad ang Matampay, Slangan,Simway, Katitwan, at ibang mga pook sa paligid ng Ilog Pulangi. Pinakasalan niya ang anak ng pinunòng mga Iranum at iyon ang simula ng angkan na humawak sa sultanatong Magindanao.Isa siyáng masugid na tagapagpalaganap ng Islam. Bahagi ng kaniyang pamamahalaang pangangaral upang maging Muslim ang pangkáting Magindanao. Matigas naman ang tratoniya sa mga ayaw sa Islam. Itinaboy niya sa kabundukan ang mga ayaw sumampalataya, at gayon ang nagging kapalaran ng mga pangkáting Teduray at Manobo sa silangang kabundukan ngayon ng Cotabato.
Gayunman, maaaring gayon kagaan ang pagpapalaganap ni Sharif Kabungsuwan sa Islam at sa sultanato dahil may nauna sa kaniya. Ayon kay Cesar Adib Majul (1973), may tarsila na nag-uulat sa pagdating ng isang Sharif Awliya sa Magindanao, nag-asawa, nagkaroon ng anak na babae, at umalis. Tinawagna “Paramisuli” ang anak kayâ nag papahiwatig na iginagálang siyá o anak ng maharlika. Pagkaraan, dalawang magkapatid mula ng Johore, sina Sharif Hasan at Sharif Maraja ang dumating. Isa ang tumira sa Sulu at isa ang tumahan sa Slangan, isang bahagi ng Pulangi, at napangasawa ang anak ni Sharif Awliya. Sakâ dumating si Sharif Kabungsuwan. (VSA)