kabisóte

Philippine Fauna, birds, shrike

Ang kabisóte (Lanius cristatus lucionensis) ay isang subspecies ng Lanius cristatus o Brown Shrike , mga ibong umaawit mula sa pamilyang Laniidae na matatagpuan sa Asia. Ang Laniidae na pangalan ng pamilya nitó ay mula sa salitang Latin na lanius na nangan-gahulugang “mangangatay” dahil sa paraan ng pagkain ng ilang naturang ibon. Kayumanggi ang plumahe at bilugán ang buntot nitó, mayroong itim na tila maskara sa may bandang matá, katamtaman ang laki ng katawan, maikli ang makapal na tuka, at mati-nis ang nililikhang tunog.

Kilala ang mga shrike sa ugali ng pagdagit ng mga insekto at malilit na hayop na itinutusok muna sa mga matitinik na halaman upang unti-unting manghinà. Sa ganitong paraan, madalî nitóng nahahati ang laman sa maliliit na bahagi at nagsisilbi ring taguan o imbákan ng pagkain upang may mabalikan ito sa mga susunod na araw. Ang ganitong kilos ay sinasabing naging adaptasyon nitó sa nakalalasong tipaklong (Romalea guttata). Matapos itu-sok sa mga tinik, naghihintay ang ibon nang isa hanggang dalawang araw para mawala ang lason ng tipaklong bago ito kainin. Ang mga naturang ibon ay likás na teritoryal. Pinipilì nitóng tumuntong sa mga lantad at madalîng nakikítang pook at gumagawa ng kapansin-pansing postura. Ngunit ang mga tuntungang ito ay ginagamit upang magmasid ng maaaring mabiktima at maipaalam sa ibang karibal na pagmamay-ari nitó ang naturang teritoryo.

Inaakit ng lalaking kabisote ang babaeng kabisote sa pamamagitan ng pagsasabit nitó ng mga insekto at maliliit na hayop at paglalagay ng makukulay na bagay sa teri-toryo nitó. Nililigawan nitó ang babae sa pamamagitan ng isang ritwal na sayaw na isang paggaya nitó sa pagdagit ng mga biktima at ipapakain sa babae. Gumagawa ito ng isang simple at hugis kopang pugad na gawa sa maliliit na sanga at damo sa mga palumpong o mababàng sanga ng punongkahoy. (KLL)

Cite this article as: kabisóte. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kabisote/