kabáyo

animals, mammals, animals in the Philippines, Philippine Fauna, species, horse, kalesa

Ang kabáyo (Equus caballus), mula sa Español na caballo, ay hayop sa order Perissodactyla at pamilyang Equidae. Binubuo ang pamilya ng tatlong pangkat, ang mga zebra mulang Africa, ang mga asno na mulang Asia, at ang mga kabayo. Tinatáyang lumitaw ang unang kabayo sa kaparangan ng Africa apat na milyong taón na ang nakararaan. Posibleng inalagaan ito ng mga nomad na Asiano 4,000 taón na ang nakalilipas at naging mahalaga sa tao sa maraming paraan hanggang sa pag-unlad ng motor. May iisang species lámang ng domestikadong kabayo ngunit umaabot sa 400 ang mga lahi na may tanging gamit mula sa paghatak ng kariton hanggang karera. Lahat ng kabayo ay kumakain ng damo. Ang tinatawag na Przewalski ang nag-iisang kabayo na hindi napaamo ang ninuno. Ang hulíng ilahas na Przewalski ay nakita sa Mongolia noong 1968.

Ang sibilisasyong Romano ang unang nagpakita sa maraming gamit ng kabayo, mula pang-araro, panghatak ng kariton at bagon, sasakyan sa paglalakbay, sasakyang pandigma, sasakyang pangkarera, hanggang sasakyang pamparada, at pagkaing karne. Dinanas ng kabayo ang naturang mga gawain at tungkulin sa Filipinas. Maraming banggit sa kabayo sa mga alamat at kasaysayan, mula sa paboritong kabayo ng bayani, kabayong nagligtas sa prinsipe o prinsesa, kabayong handog ng diyos, makapangyarihang kabayo, hanggang kabayong lumilipad. Sa kuwentong Samal, sumakay sina Manik Buangsi at Tuan Putli sa isang putîng kabayo paakyat sa langit. Sa mga Tiboli, isang bantog na laro sa pagdiriwang, at dinadayo ngayon ng mga turista, ang sabong ng mga kabayo.

May maliit na kabayong Asiano nang sinasakyan ang mga pinunò sa Mindanao bago dumating ang mga Español. Ang higit na malaking lahi ay ipinasok ng mga Español at karaniwang gamit sa paglalakbay, sasakyan man ng opi-syal o nakasingkaw sa karwahe. Hanggang ngayon, may mga pook na gumagamit ng kalesa at hinihila ng kabayo bílang transportasyong publiko. May ganitong sasakyang panturista sa Intramuros at Binondo, Maynila. Samantala, popular noong karerahan ng kabayo ang mga racetrack sa Sta. Ana at San Lazaro. (VSA)

Cite this article as: kabáyo. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kabayo/