kabasì
Philippine Fauna, Fish, aquatic animals
Ang isdang kabasì ay kabílang sa pamilyang Clupeidae at karamihan ay nása tropikong pook mula 70° Hilaga hanggang sa 60° Timog. Matatagpuan ito sa Kanlurang Indo-Pasifico, mulang Per-sian Gulf hanggang India, dagat ng Andaman, Thailand, Indonesia, Vietnam, Filipinas, kanlurang dagat ng Filipinas, timog at hilagang Australia, mga isla ng Caroline, at New Caledonia. May apat na kilaláng species ng kabasi at ang karaniwan ay ang Anodontostoma chacunda at Nematolosa nasus. Ang
katawan ng Anodontostoma chacunda ay pabilog at bahagyang sapad na lumalalim hábang ito ay lumalaki, 40–70 porsiyento ng habà ng katawan sa mga isdang mahigit 10 sm. May mga ngipin ito sa mga gilid ng kaliskis. Ang mga ngipin ay mas payat kaysa patlang sa pagitan ng mga ito. May panggitnang serye ng kaliskis din ito sa likod. May isang malaking itim na bátik sa likod ng bukana ng hasang. Ito ay may kara-niwang habà na 14 sm at ang pinakamalaking naitalâ ay 22 sm.
Ang katawan ng Nematolosa nasus ay maitim na bughaw sa likod at kulay pilak sa may ibabâ. May isang maitim na bátik sa bukana ng hasang. Ang matigas na ibabâng panga ay nakalabas. Ang huliháng gilid ng kaliskis ay may ngipin. Ito ay may karaniwang habà na 15 sm at ang pinakamalaking naitalâ ay 22 sm.
Kalimitan ay nása dagat at baybay ang kabasì ngunit umaakyat din sa mga ilog at estuwaryo. Kumakain ito ng maliliit na organismong tulad ng diatom, molusko, ko-pepod, at krustaseo. Nangingitlog ito mula Nobyembre hanggang Pebrero. Ito ay ibinebenta nang sariwa, tuyo, o pinakuluan, at ginagawa ring pisbol. (MA)