kabalyéro

Philippine Flora, Trees in the Philippines, traditional medicine, fire tree, tree

Kabalyéro (Delonix regia) ang tawag sa isang malaking punongkahoy na may dahong bahagyang mabalahibo, maliliit at pares-pares sa isang tangkay, malalaki ang bu-laklak na kaakit-akit at kulay pulá o pulá at dilaw. Ang punòng ito ay katutubo sa Madagascar at ipinasok sa Fili-pinas noong panahon ng Español. Kilala rin ang punòng ito sa mga pangalang arbol del fuego, fire tree, flame tree, flamboyant tree, o royal ponciana.

Ang kabalyéro (Ce-salpinia pulcherrima) ay isa ring masan-gang palumpong na may dahong maliliit at pares-pares sa mga tangkay na nakakabit sa payat na sanga, at may bulaklak na pulá o dilaw. Katutubò ito sa Tropikong America at ipinasok sa Filipinas noong panahon ng Español.

Ang kabalyero ay karaniwang may taas na 1.5–5 metro. Ang mga sanga nito ay may kaunting kalát-kalát na mga tinik. Dilaw, pulá, at dalandan ang karaniwang kulay nitó. Ang dahon ay maayos na nakahanay sa magkabilâng gilid, 20–40 sentimetro ang haba. Ang prutas ay isang pod o bayna na may habàng 6–12 sentimetro.

Kompara sa iba pa nitóng uri, ang kabalyero ang siyang pinakakaraniwan sapagkat madali itong lumago kayâ ginagamit din ito bilang pambakod sa ibang maliliit na halaman. Ngunit sa kabila ng kagandahan ng halamang ito, kilala rin ang kabalyero bilang isang uri ng halamang nakapaglalaglag ng sanggol sa sinapupunan. Sa katunayan, gamit ang apat na gramo ng ugat nitó, naisasagawa na ang aborsiyon sa mga unang tatlong buwan ng pagdadalantao. (ACAL)

Cite this article as: kabalyéro. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kabalyero/