Pio Kabahar
(11 Oktubre 1892—?)
Si Pio Kabahar (Pi·yóKa·ba·hár), kilala rin bilang Piux Kabahar, ay isang mandudula at direktor na Sebwano. Naging mahalaga siyá sa pagpapaunlad ng sining ng dula at musikang Sebwano.
Isinilang siyá noong 11 Oktubre 1892 sa San Nicolas, Cebu kina Justo Kabahar at Margarita Abelgas. Pinakasalan niya si Perfecta Ocana, isang guro, at nag-karoon silá ng anim na anak. Nakuha niya ang kaniyang hilig sa sining mula sa kaniyang ama na isang musikero. Naging biyolonista siyá sa Mauricia Gahuman’s dancing hall, at nang makapag-ipon ng sapat na pera, pinag-aral niya ang sarili sa Cebu Provincial High School. Nang makapagtapos, nagturo siyá sa Recoleto Central School nang apat na taón. Kalaunan ay naging direktor at nag-sulat siyá ng mga dula. Naging kalihim siya ng Lungsod Cebu mula 1932 hanggang 1962. Naging editorsiyá ng seksiyong Bisaya sa La Revolucion, La Solidaridad, El Espectador, at ng The Advertiser. Naging punòng patnugot siya ng Ang Bandila, Ang Buhat, Ang Sidlakan, at Freeman. Naglathala din siyá ng mga diyaryong Ang Katarungan,Juan dela Cruz, El Espectador, Nasud, The Freeman, at Ang Tigmantala.
Sumulat siyá ng maraming sarsuwela at dula. Ang ilan sa mga naisulat niyang sarsuwela ay Nagun-uba sa Lan- git (1917), Ang Ismirismis (1919), Hm! (1919), Alaut(1919), Fe, Esperanza, Caridad (1920), Fifi (1929), Gugma sa Inahan (1933), Mr ug Mrs (1940). Sinulat naman niya ang mga dulang Limbong ni Tintay (1916), Miss Dolying (1920), Kasingkasing (1921), Aling Pulana (1923), Santo Papa (1931), Sinakit (1933), at Tulo Ka Adlaw sa Langit (1933). Ang ilan sa mga lumikha ng musika para sa kaniyang sarsuwela ay sina Manuel Velez, Jose Estella, Pidong Villaflor, at siyá mismo.
Bukod sa pagsulat ng dula, direktor din siyá ng mga isinulat niya gayundin ng iba pang mandudulang gaya nina Buenaventura Rodriguez, Jacinto Alcor, at Fernando Alfon. Tumutugtog siyá ng mga instrumentong gaya ng biyolin, mandolin, gitara, cello, baho, banjo, cymbals, kettle drum, bandurya, at subing.
Noong 1935 kasama sina Fernando Alfon at Vicente Castillo, itinatag niya ang Cebu Musical-Dramatic Art Studio, isang organisasyong naglalayong mapaunlad ang sining ng Cebu. Siyá ang sumulat at naging direktor ng unang moving picture sa Visayas, ang Bertoldo Balodoy, noong 1939. Tumulong din siyáng magtatag ng unang sound recording company sa Cebu noong 1939. Pinarangalan siyá ng Rizal Pro Patria Award noong 19 Hunyo 1961. (KLL)