Felipe Landa Jocano
(5 Pebrero 1930–27 Oktubre 2013)
Si Felipe Landa Jocano (Fe·lí·pe Lán·da Ho·ká·no Ho·ká·no) ay bantog na antropologo, manunulat, at propesor. Kabilang sa kaniyang tuon ng saliksik ang mga katutubong alamat at epiko, sinaunang panggagamot, at kasaysayan at pamumuhay ng mga iba’t ibang pangkating etniko. Ang pinakatanyag niyang ginawa ay ay pagsasalin sa Ingles ng Hinilawod noong 1959. Ang Hinilawod ay isa sa pinakamahabàng epikong-bayan at angkin ng mga Sulod, isang grupo ng katutubo sa Gitnang Panay.
Ilan pa sa kaniyang makabuluhang saliksik ang sumusunod na aklat: Sulod Society, Growing Up in a Philippine Barrio, Slum as a Way of Life, Philippine PreHistory, Filipino Cultural Heritage, Legends of Early Filipinos, at Filipino Indigenous Ethnic Communities. Ilan sa mga tanging parangal naman ni- yang natanggap ang sumusunod: Republic Cultural Heritage Award (1971), Ten Outstanding Young Men (1965) at Philippine Legion of Honor (2007) na may ranggong Maringal na Pinuno (Grand officer).
Nagturo siya sa Unibersidad ng Pilipinas sa humigit-kumulang limampung taon. Una siyang naglingkod sa Kagawaran ng Antropolohiya noong 1967 bago lumipat sa Asian Center noong 1973 bilang isang propesor. Nagsilbi siyang pinunò ng Kagawaran ng Antropolohiya, Philippine Studies, at Asian Center. Naging dekano siya ng Institute of Philippine Studies at punò ng Asian Center Museum Laboratory. Bilang pinunò ng isang museo, siya ang nagsimula sa dokumentasyon at koleksiyon ng mga kultural na bagay at mga imahen ng iba’t ibang grupong katutubo sa Filipinas upang magsilbing pagpapahalaga sa mga ito at upang magamit rin ng mga estudyante at iba pang nangangailangan nitó.
Ipinanganak siya noong 5 Pebrero 1930 sa Cabatuan, Lungsod Iloilo. Pang-anim siya sa labing-isang anak nina Eusibio Jocano at Anastacia Landa. Nagtapos siya ng elementarya sa isang pampublikong eskwelahan sa kanilang lugar, ngunit ng sekundarya sa Arellano High School sa Maynila, at kursong Batsilyer sa Sining sa Central Philippine University sa Iloilo noong 1957. Sa University of Chicago niya nakuha ang masterado at doktorado sa antropolohiya. Ikinasal siya kay Adria Payad atnagkaroon silá ng dalawang anak. Namatay siya noong 27 Oktubre 2013 sa edad na walumpu’t tatlo. (ELBJR)