Nick Joaquin
(4 Mayo 1917–29 Abril 2004)
Itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 1976 si Nick Joaquin (Nik Wa·kín). Kinikilala siya bílang nobelista, mananaysay, makata, mandudula, at peryodista. May sagisag-panulat siyang Quijano de Manila.
Si Joaquin ay isang mohon sa panitikang Filipino na nagsusulat sa Ingles. Ang natatanging paraan niya sa paggamit ng wikang Ingles ay binansagan ng mga kritiko na Joaquinesque o Joaquinesquerie. Kabílang sa mga kinilala niyang akda ang “Summer Solstice,” natatanging maikling kuwentong Philippine Free Press (1945); The Woman Who Had Two Navels, nobelang isinulat sa ilalim ng fellowship ng Harper Publishing Company (1957) at nagkamit ng Harry Stonehill Award; mga maikling kuwentong “May Day Eve” at “Doña Jeromina”; tatlong-yugtong dulana The Beatas na nagwagi sa Don Carlos Palanca Memorial Award; at ang itinuturing na klasika sa dulaang Filipino, ang The Portrait of an Artist as a Filipino. Bukod sa pagsulat ng mga artikulong nagsasanib ang peryodismo at panitikan, naglabas siya ng mga talambuhay at pag-aaral pangkasaysayan, gaya ng sumusunod: The Aquinos of Tarlac: An Essayin History as Three Generations; Quartet of the Tiger Moon: Scenes from the People-Power Apocalypse; Culture and His- tory; Occasional Notes on the Process of Philippine Becoming; Nineteenth Century Manila: The World of Damian Domingo (kasámang may-akda si Luciano P.R. Santiago); Jaime Ongpin, The Enigma: A Profile of the Filipino as Manager.
Ginawaran siya ng Republic Cultural Heritage Award sa larangan ng literatura noong 1961, ng Gawad Patnubay ng Sining at Kalinangan ng Lungsod Maynila noong 1964, ng Ramon Magsaysay Award noong 1996 parasa peryodismo, literatura at malikhaing komunikasyon, at ng Gawad Tanglaw ng Lahing Ateneo de Manila University noong1997.
Isinilang siya noong 4 Mayo 1917 sa Paco, Maynila kina Salome Marquez, guro ng Ingles at Español, at Leocadio Joaquin, isang abogado at beterano ng Himagsikang 1896. Sa Paaralang Mapa siya nag-aaral hanggang ikatlong taon sa hayiskul. Pumasok siya noong 1949 sa St. Albert College, isang monasteryong Dominiko sa Hong Kong. Lumabas din siya rito nang kinailangan siyang mamili sa pagsusulat o pananatili sa kumbento. Namatay siya noong 29 Abril 2004.(RVR)