Evelio Javier

(31 Oktubre 1942–11 Pebrero 1986)

Si Evelio Javier (E•vél•yo Hav•yér) ay aktibistang politiko at abogado na kumalaban sa diktadura ni Pangulong Ferdinand Marcos. Pinaslang siyá noong kasagsagan ng snap elections, ang halalang pinaglabanan nina Marcos at Corazon Aquino, na kaniyang kaalyansa. Tinagurian si Javier bilang “Ninoy ng Antique,” dahil kapuwa silá martir ni Benigno “Ninoy” Aquino laban sa rehimeng Marcos.

Noong 1971, sa edad na 29, nagwagi si Javier bilang gobernador ng Antique. Siyá ang pinakabatang gobernador ng Filipinas ng dekadang iyon. Noong 1986, pinaulanan siyá ng punglô hábang nakikipag-usap sa mga kaibigan sa hagdanan sa harap ng kapitolyo. Inilipad   ang kaniyang katawan sa Maynila upang maparangalan ng mga kaibigan at taga suporta, at dumaan ang prusisyon sa kaniyang almamater na Pamantas ang Ateneo de Manila. Libo-libong Antiqueño ang nakiisa  sa  kaniyang  libing  sa  San Jose, Antique, at sinasabing mas malaki  ito kaysa salibing ni Ninoy Aquino noong 1983. Maging malalim ang talab ng kamatayan ni Javier sa kamalayang Filipino, at sinasabing isa ito sa nagpaalab ng People Power Revolution noong 22 Pebrero 1986, ilang araw lámang pagkatapos ng kaniyang pagkapaslang.

Isinilang siyá noong 31 Oktubre 1942 sa Hamtic, An tique kina Everardo Autajay Javier at Feliza Bellaflor. Nagtapos siyá ng mababang paaralan sa San Jose Elementary School sa SanJose, Antique, at hayiskul sa Ateneo de Manila University. Sa Ateneo din niya nakamit ang digri sa Kasaysayan at Pamahalaan, at digri sa abogasya. Pumasok siyá sa politika pagkaraang makapasa sa bar exam. Nagkaroon siyá ng dalawang anak kay Precious Bello Lotilla. Kapatid niya si Exequiel Javier, na naging gobernador ng Antique pagkatapos daigin ang katunggali ni Evelio, si Arturo Pacificador, at nanilbihan noong 1987–1998 at 2001–2010.

Ipinangalan sa kaniya ang baryong sinilangan (dating Barangay Lanag sa Hamtic) at isang hay-iskul sa Benguet. Sa San Jose, kabisera ng Antique, matatagpuan sa Evelio B. Javier Freedom Park ang kaniyang bronseng rebulto na ginawa ng Pambansang Alagad ng Sining na si Napoleon Abueva. Ipinangalan din sa kaniya ang paliparan ngbayan (Evelio Javier Airport). (PKJ)

Cite this article as: Javier, Evelio. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/javier-evelio/

Related Articles