Emilio Jacinto
(15 Disyembre 1875–16 Abril 1899)
Tinagurian si Emilio Jacinto (E·míl·yo Ha·sín·to) na “Utak ng Katipunan” dahil sa mga sinulat niya para sa Katipunan, kabílang na ang “Mga Aral ng Katipunan ng mga A.N.B.” at higit na kilalang Kartilya ng Katipunan. May ganito ring akda si Andres Bonifacio, ang “Katungkulang Gagawin ng mga Z.LL.B., ” ngunit ipinasiya ng Supremo na ang hinahangaan niyang sinulat ni Jacinto ang opisyal na ikabit sa dokumento ng panunumpa ng sinumang sasapi sa lihimna kilusan. Gayunman, higit na popular at hinahangaan ang estilo ng pagsulat at matalinghagang nilalaman ng Liwanag at Dilim, isang koleksiyon ng mga sanaysay na tumatalakay sa mga diwaing demokratiko’t kontra-kolonyalista at nag tatanghal sa pilosopiko’t moral na sandigan ng isang rebolusyonaryong kapisanan.
Si Jacinto ang editor ng Kalayaan, ang diyaryo ng Katipunan, at sa pamamagitan lámang ng unang labas ay umakit ng libo-libong kasapi. Ginamit niyang alyas sa kilusanang “Pingkian.” Sa Kalayaan, ginamit din niyang sagisag-panulat ang “Dimasilaw.” Sa mga sagisag lámang ay mahihiwatigan ang pambihirang hilig ni Jacinto sa liwanag, kung bagá, sa pagdudulot ng totoong liwanag sa kapuwa, at sa pagsalungat sa huwad at mag-darayang “liwanag.”
Napakataas ng paggálang ni Bonifacio at ng ibang punda- dor ng Katipunan kay Jacinto, kayâ kahit napakabatà, 20 anyos lámang siya nang sumapi, ay nahalal siyang kalihim ng kataas-taasang sanggunian. Hinirang din siyang tagapayo ni Bonifacio at itinuring na bunsong kapatid.
Isinilang siya noong 15 Disyembre 1875 sa Tondo, Maynila at anak nina Mariano Jacinto at Josefa Dizon. Namatay ang kaniyang ama noong sanggol pa siya kayâ ipinampon siya ng ina sa nakaririwasang kapatid na si Don Jose Dizon. Nag-aral siya sa Colegio de San Juan de Letran at lumipat sa Unibersidad de Santo Tomas upang kumuha ng abogasya. Hindi niya natapos ang kurso dahil sa tawag ng pag-ibig sa bayan. Nang pataksil na patayin si Bonifacio sa Cavite, ipinag-patuloy ni Jacinto ang pakikibáka laban sa mga Español ngunit hindi siya sumama sa hukbo ni Heneral Emilio Aguinaldo. Nasugatan siya sa isang labanan sa Laguna at nabihag. Ginamit niya ang talino upang makaligtas. Nag-kataóng hawak niya ang sedula ng isang espiya ng mga Español at nagpanggap na siya ang espiya. Nang makalaya, bumalik siya sa Maynila at doon nagpagalíng. Ngunit hindi niya matanggihan ang anyaya ng mga Katipunero sa Laguna, kayâ muli siyang lumabas sa larangan. Dinapuan siya ng malarya at namatay sa Majayjay, Laguna noong 16 Abril 1899 sa gulang na 24—isang huwaran ng mandirigmang intelektuwal para sa pambansang kalayaan.(VSA)