ípil-ípil

Philippine Flora, building materials, Trees in the Philippines, construction materials, trees, agriculture

Ang ípil-ípil (Leucaena leucocephala) ay isang punongkahoy na lumalaki ng hanggang walong metro ang taas. Ang mga maliliit na dahon nitó ay tumutubò sa dalawang gilid ng mga maliliit nitóng mga tangkay. Kulay putî, bilog, at makapal ang bulaklak ng ipil-ipil na may 2–3 sentimetro ang diyametro. Ang prutas nitó ay hugis pahabâ, kulay berde kapag murà, at nagiging kulay kape at bumubuká sa dalawa kapag nahinog na. Ang bawat sisidlan ng prutas nitó ay may 15–25 makikintab at kulay kapeng mga buto.

Ang ípil-ípil ay isang punongkahoy na madalîng paramihin dahil nabubuhay ito kahit sa mga mabatong lugar. Maraming pakinabang ang ipil-ipil kayâ hinihikayat ang mga táong magtanim nitó. Ang punò nitó ay ginagamit na panggatong sa pagluluto at sa iba’t ibang industriya. Ang dahon naman nitó ay ipinoproseso para gawing pak-ain sa mga hayop na gaya ng báka at manok. Mayaman din ito sa abonong organiko. Ang punò nitó ay maaaring gamiting panangga sa hangin at gamiting lilim ng mga pananim na hindi kailangang maarawan. Ang ipil-ipil din ay malaki ang naitutulong para maiwasan ang pagguho ng lupa dahil ang mga ugat nitó ay malalim ang pagkakabaon sa lupa.

Nagkaroon ng magandang karanasan at interes ang Filipinas sa ípil-ípil kayâ malaki ang oportunidad na mapaunlad ang agrikultura ng bansa dahil sa paggamit ng punòng ito. Maraming klase ang ípil-ípil. Sa ngayon maraming Filipino ang may interes sa pagtatanim ng higanteng klase ng ípil-ípil dahil mabilis itong lumaki, mas marami itong dahon, at malalaki ang kahoy na umaabot sa 50 talam-pakan sa loob lámang ng anim na taón.

Maraming tawag ang Filipinas sa ípil-ípil: “kúmkumpítis” at “kariskis” sa Ilokano, “loyloi,” “kabanero”, at “san pedro” sa Bisaya at “ipel” sa Tagalog. (ACAL).

Cite this article as: ípil-ípil. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/ipil-ipil/