Intramúros

Intramúros ang tawag sa lungsod naitinatag ni Miguel Lopez de Legazpi na nasa mismong kinalalagyan ng kuta ni Raha Soliman sa may bunganga ng Ilog Pasig noong 1571. Ang Intramuros o “sa loob ng mga pader” ang kinikilalang sentro ng pamahalaan, ekonomiya, relihiyon at edukasyon noong panahon ng Español. Matatagpuan sa 60 ektarya ng saklaw nito ang mga pangunahing simbahan,kumbento,eskuwelehan,at gusaling pampamahalaan ng mga kolonisador. Pawang mga Español lamang ang maaaring manirahan sa loob ng nasabing lungsod maliban Sa mga Filipino ng kutsero, labandera, at kasambahay na nagtatrabaho sa loob ng Intramuros. Samatagal na panahon, ang Intramuros ang tinatawag na Maynila.

Katulad ng mga lungsod sa Europa noong panahong iyon, napapaligiran ang Intramuros ng tubig at pinoprotektahan ng makakapal na pader. May walong puwerta o pintuan ito, kagaya ng Puerta de Parian, Puerta Real at Puerta Isabel at mga moog natulad ng San Andres, Sta. Lucia at Santiago naipinatayo ng mga gobernador-heneral ng Filipinas hanggang 1872. Nakaluklok din sa Intramuros ang Katedral ng Maynila; ang mga simbahan ng San Agustin, Santo Domingo, at San Ignacio; mga gusaling pang-administrasyon kagaya ng Ayuntamiento at Intendencia; at mga eskuwelahan tulad ng lumang Ateneo de Manila, Colegio San Juan de Letran, dating Unibersidad ng Santo Tomas, at Colegio de Santa Isabel.

Malaking bahagi ng Intramuros ay nasira noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. May programang inilunsad upang muling ayusin o ibalik sa dating anyo ang mga estrukturang nasira ng digmaan at ng pagpapabaya. Ang nasabing lugar ay kasalukuyang isa sa pinakatanyag na pook na pinapasyalan ng mga Filipino at banyagang turista sa Maynila.(MBL)

Cite this article as: Intramuros. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/intramuros/