Indiós Brávos

Los Indiós Brávos (Matatapang na Indio). Ito ang naging bansag nina Jose Rizal at iba pa sa kanilang grupo, mga estudyanteng nása España noong mga taóng 1880. Ang salitang “Indio” (taga-India) ang pakutyang tawag ng mga mananakop na Español sa mga katutubo. Pabiro, ngunit seryo, ang salitang “Indio” rin ang itinawag nina Rizal sa kanilang grupo ngunit may pang-uring “bravo” (matapang) upang ipamukha sa mga mananakop na Español na may angking tapang, talino, at dangal ang mga táong pinagsasamantalahan nilá hábang hinamahak.

Matapos bitayin ang mga paring sina Gomez, Burgos, at Zamora noong 1872, maraming Filipinong ipinatápon sa Marianas, Hong Kong, at iba pang lugar. Ang   iba naman ay kusang lumisan ng bansa upang makaiwas sa pagtugis ng mga awtoridad. Maraming estudyante ang nagpunta sa España hindi lámang upang mag-aral kundi upang magpasimula ng kilusan sa paghingi ng reporma. Kabilang sa mga estudyanteng ito sina Graciano Lopez Jaena, Jose Rizal, Jose Ma. Panganiban, Mariano Ponce, Marcelo H. del Pilar, Juan Luna, Felix Resurreccion Hidalgo, Edilberto Evangelista, Jose Alejandrino, Pedro Serrrano Laktaw, Teodoro Sandico, Ariston Bautista, Gregorio Aguilera, at iba pa.

Ang mga nabanggit ay kabilang sa “Los Indios Bravos.” Hindi ito isang pormal na organisasyon ngunit silá ang naging aktibo sa Kilusang Propaganda upang ipabatid sa España ang mga hinaing ng mga Filipino. Ginamit niláng tagapagbandila ang pahayagang La Solidaridad. (AEB)

Cite this article as: Indios Bravos. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/indios-bravos/

Related Articles