imbáw
Philippine Fauna, aquatic animals, mollusk, shell, ecology, mangrove
Ang imbáw (Anodontia edentula) ay isang uri ng imber-tebrato na kabilang sa grupo ng Mollusca at pamilya Lucinidae. Ito ay makikita sa rehiyon ng Indo-Pasipiko mula silangan hanggang timog Africa, Madagascar, at Red Sea, hanggang silangang Polynesia at Hawaii at mula sa timog Australia hanggang hilagang Japan.
Ang katawan ay pikpik at nababalutan ng talukab sa magkabilang bahagi ng katawan. Ito ay makikitang naka-baón sa isang medyo mabuhangin at maputik na lugar sa bakawan. May bahagyang unat na laman ito na kung tawagin ay adductor. Ito ay nagtataglay ng bakterya sa hasang na nagpoproseso ng asupre na kinukuhan nitóng karamihan ng nutrisyon. Ang talukap ay binubuo ng calcium carbonate, kadalasan may dalawang parehong balbula na pinagdurugtong ng ligamento. Karamihan sa mga klase na kabilang sa pamilya Lucinidae ay nawalan na ng gamit panghigop at kakayahang salain ang pagkain. Ang naitalâng pinakamalaking imbaw ay may sukat na 9.0 sentimetro samantalang ang pinakamabigat naman ay may timbang na 210 gramo.
Ang imbáw ay matatagpuan lamang sa mga tropikong lugar kung saan tumutubò ang mga bakawan hanggang sa baybay na may lalim na 20 metro. Kadalasang kamay ang ginagamit na pangkuha nitó. Dahil ito ay hindi nakakal-akad at walang kakayahang magtago, ang patuloy na pangongolekta ay maaaring magsilbing dahilan ng pagkaubos nitó. May mga pag-aaral na nagsasabi na ang pangun-guha ng imbaw ang nagiging sanhi ng pagkasira ng mga bakawan. Kapag bumaon ang mga imbaw sa ilalim ng lupa, kadalasan ay ginagamitan ng panghukay para makuha ito kung kayâ’t nasisira ang mga ugat ng bakawan. Ito ay popular na pagkain ng mga táong nakatira sa baybay. Bukod sa masarap ang laman, ito ay puwede ring gamitin na indikasyon ng polusyon at ang mga talukab ay maaaring gawing palamuti. (MA)