Ílog
Geology, water, river, river basin
Isang likás na lawas ng malaking daloy ng tubig ang ílog. Ang mga ilog at ang dagat ang unang nilakbay ng tao upang marating ang ibang lupain. Sa kasaysayang pandaigdig, may mga ebidensiya na isinilang ang malalaking sibilisasyon sa tabi ng dakilang mga ilog. Sa Filipinas, pinatutunayan ng kanilang mga pangalan na maraming pangkatin ang nabuo sa tabi o malapit sa ilog. Kabilang sa maituturing na ganitong “komunidad sa ilog at tubigan” ang Tagalog (taga-ilog), Kapampangan (ka-pampang- an), Ibanag, Subanun, Itawis, Sug-buanon, Tausug. Tubigan pa rin bagaman danaw o lawa ang pinagmulan ng pangalang Meranaw at Magindanaw. Bawat malaking pulô o rehiyon sa bansa ay may malaki at mahabàng ilog, lalo na ang Ílog Cagayan at Rio Grande de Mindanao.
Kabilang sa malalaking sistemang ilog ng Filipi-nas ay ang sumusunod: Ílog Abra na matatag-puan sa rehiyong Cordil-lera at Ilocos; Ílog Abulúg na matatagpuan sa mga lalawigan ng Kalinga, Apayao, Cagayan at Hilagang Luzon; Ílog Ágno, ikatlong pinakamalawak na sistemang ilog sa isla ng Luzon; Ílog Agúsan sa silangang bahagi ng Mindanao; Ílog Aklán sa Kanlurang Kabisayaan; Ílog Amburáyan sa Hilagang Luzon; Ílog Angat sa lalawigan ng Bulacan; Ílog Bikol sa rehiyong Bicol; Ílog Cagayan sa rehiyon ng Lambak Cagayan; Ílog Chico sa lalawigan ng Kalinga; Ílog Davao na ikatlong pinakamalaking drainage basin sa isla ng Mindanao; Ílog Mágat na pinakamalaking sangay ng Ílog Cagayan; Ílog Mindanao na pinakamalaking ilog sa isla ng Mindanao; Ílog Pampanga, ikalawang pinakamahabang ilog sa Luzon; Ílog Panáy na pangunahing daluyan ng tubig sa pulô ng Panáy, Ílog Pansípit na nagsisilbing lagusan ng tubig mula sa Lawang Taal; Ílog Pásig na pinakabantog na ilog sa Filipinas; Ílog Pulangui sa lalawigan ng Buukidnon; at Ílog Tagolóan sa Misamis Oriental, Hilagang Luzon.
Kaiba naman ang mga pangkating nakapangalan sa lupa, gaya ng Igorot (tao ng gulod) at Bukidnon (tagabundok). Nakaugnay dito ang haka ni E. Arsenio Manuel na hindi “ílog” kundi “álog” ang ugat ng pangalang Tagalog. Ang álog sa matandang bokabularyo ay tumutukoy sa kaibabaan. Bahagi ng haka ni E.A. Manuel na bahagi ng mga migratoryong pangkatin na nanirahan sa Cordillera ang mga Tagalog. Bumabâ silá sa panahanang Bulubundukin, kayâ itinuring ng mga naiwang Igorot at Ifugaw na Tagaálog. Silá ang gumawa ng mga panghulíng páy-yo o payáw na matatagpuan pa ang bakás sa Majayjay, Laguna bago muling nagtawid-dagat. (YA)