Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

Ílog Tagolóan

Geology, water, river, Tagoloan River, Mindanao

Ang Ilog Tagolóan ang ikalabintatlong pinakamalaking ilog sa Filipinas kung pagbabatayan ang laki ng watershed, ayon sa Pambansang Lupon sa Kayamanang Tubig (NWRB). Matatagpuan ito sa mga lalawigan ng Bukidnon at Misamis Oriental sa Hilagang Mindanao. May habà itong 106 km. Nagsisimula ito malapit sa Lungsod Malaybalay sa Bukidnon, na kinakalapan nitó ang mga agos mula sa dalisdis ng Bundok Kitanglad, bago dumaloy pahilaga at bumuhos sa Look Macajalar sa bayan ng Tagoloan, Misamis Oriental. Mayroon itong river basin na 1,704 km² ang lawak.

Mahalaga ang ilog sa kabuhayan ng mga taga-hilagang Mindanao, halimbawa sa bayan ng Tagoloan na bu-mubuhusan ng ilog. Halos sangkatlo (1/3) sa lupain ng bayan ay ginagamit para taniman ng bigas, at sangkapat (1/4) naman sa iba pang pananim, at ang ilog ang nag-sisilbing irigasyon ng mga bukiring ito. Popular din ang ilog sa mga mahilig sa watersports tulad ng kayaking. (PKJ)

Cite this article as: Ílog Tagolóan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/ilog-tagoloan/