Ílog Pulangui
Geology, water, river, Pulangui River, Mindanao, hydroelectric plant
Ang Ílog Pulangui (Pu·lang·gí o Pu·lá·ngi) ang pinaka-mahabàng ilog sa lalawigan ng Bukidnon sa Hilagang Mindanao. Isa ito sa pangunahing sangay ng Rio Grande de Mindanao (Ílog Mindanao), na siyáng pinakamalaking ilog sa isla ng Mindanao at ikalawang pinakamalaking sistemang ilog sa buong Filipinas, pagkatapos ng Ílog Cagayan sa Luzon.
May habà itong 320 km at nagsisimula sa bayan ng Impasugong sa Bukidnon, sa timog ng Lungsod Gingoog sa Misamis Oriental. Ang hulong ito ang nagsisilbi ring simula ng Rio Grande de Mindanao. Umaagos ito patimog sa kalakhan ng Talampas ng Bukidnon at dumaraan sa karamihan ng mga bayan ng lalawigan. Bílang Ilog Mindanao, lumalawak ito sa mga kapatagan ng Cotabato bago bumuhos sa Look Illana sa Lungsod Cotabato. Ilan sa mga sangay nitó ang Bobonawan, Manupali, at Muleta.
Matatagpuan sa Ílog Pulangui ang Dikeng Pulangi, na kilalá rin bílang Pulangi IV Hydroelectric Plant. Ang artipisyal na lawang naiipon ng dike ay tinatawag na “Lawàng Pulangi” o “Maramag Basin” at ginagamit bílang irigasyon, maiinom na tubig, at upang makalikha ng koryente. Sangkapat (1/4) ng pangangailangan ng buong Mindanao sa koryente ang tinutustusan ng Dikeng Pulangi. Sa lawak na 1.8 milyong ektarya, ang river basin ng Dikeng Pulangi ang ikalawang pinaka-malaki sa buong bansa. (PKJ)