Ílog Mindanao

Geology, water, river, Mindanao River, Mindanao, Rio Grande

 

Ang Rio Grande de Mindanao, o Ílog Mindanao (Min•da•náw) ang pinakamalaking ilog sa isla ng Min-danao at ikalawang pinakamalaking sistemang ilog sa buong Filipinas, pagkatapos ng Ílog Cagayan sa Luzon.

 

May habà itong 373 km, at ang river basin nitó ay may lawak na 23,169 km². Nagsisimula ang Rio Grande de Mindanao bilang Ilog Pulangi sa bayan ng Impasug-ong sa Bukidnon, sa timog ng Lungsod Gingoog sa Misamis Oriental. Aagos ito patimog sa kalakhan ng Talampas ng Bukidnon at daraan sa karamihan ng mga bayan ng lalawigan. Lalawak ito sa mga kapatagan ng Cotabato bago bumuhos sa Look Illana sa Lungsod Cotabato. Ilan sa mga san-gay nitó ang mga ilog Bobonawan, Manupali, Mara-dugao, Muleta, Sawaga, at Tigwa.

 

Ilan sa mga pangunahing bayan sa pampang ng ilog ang mga lungsod ng Cotabato, Kidapawan, Koronadal, Malaybalay, at Valencia. Mahalaga ang ilog bilang para-an ng transportasyon ng mga produktong agrikultural at mga troso. Dito rin matatagpuan ang Dikeng Pulan-gi, na kilala rin bilang Pulangi IV Hydroelectric Plant. Ang artipisyal na lawang naiipon ng dike ay tinatawag na Lawang Pulangi o Maramag Basin at ginagamit bi-lang irigasyon, maiinom na tubig, at upang makalikha ng koryente. Sangkapat ng pangangailangan ng buong Mindanao sa koryente ang tinutustusan ng Dikeng Pu-langi. (PKJ)

Cite this article as: Ílog Mindanao. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/ilog-mindanao/